Tigil pasada tiyak kawawa ang masa!
May isasagawang tigil pasada ang transport group na Manibela sa Lunes. Ito ay matapos silang humiling sa House of Representatives na magpasa ng resolusyon para irekomenda ang suspension ng PUVMP. Tiyak ang apektado nito ay mga estudyante at manggagawa.
Ayon sa Manibela, sarado na ang pintuan sa kanilang apela kaya nagpapasaklolo na sila sa mga mambabatas. Hindi naman sila nagkamali dahil umaksyon na ang Senado matapos humiling si Senate President Chiz Escudero na pag-aaralan muna ang PUVMP.
Tutol naman ang Magnificent 7 sa aksiyon ni Escudero at nagbanta na kapag hindi itinuloy ng pamahalaan ang PUVMP sila naman ang magtitigil pasada. Natitiyak ko, kawawa ang mga mahihirap kapag natuloy ang tigil pasada.
Malaki na ang paghihirap ng Magnificent 7 sapagkat umayon sila sa consolidation. Ang iba naman na tutol sa PUVMP ay nagsabing dagok ito sa kanilang hanapbuhay.
Ayon sa mga tutol sa modernisasyon, natatakot sila na maki-consolidate sa mga kooperatiba dahil kapag nagkaaberya ang kanilang inutang na modernized jeep tiyak mababaon sila sa utang. Hindi nila gusto ang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na maraming banko ang handang magpautang sa kanila para makabili ng modern jeep. Ayon sa kanila, ang pag-utang ay madaling sabihin subalit kung hindi makapaghulog ang kooperatiba tiyak malulubog lamang sila sa utang.
Bakit nga ba pinipilit ng DOTr na bumili sila ng mga modernized jeep na milyones ang halaga na gawa naman sa China? Sa tingin ko, may kikita rito kaya nais na ipatupad ang modernization. Palagay ko lang ha? Ano kayang masasabi ng DOTr at LTFRB. Abangan!
- Latest