Ang osteoarthritis ay pamamaga ng cartilage o butong-mura sa dulo ng mga buto dahil napudpod, kaya masakit at maga mula sa pagkiskis o paggalaw.
Ang dahilan ng pagkakaroon ng osteoarthritis ay maaring namamana, dating injury o pinsala, sobrang pagtatrabaho at pag-edad. Kapag mataba o mabigat, mas magdidikit-dikit ang buto sa likod at tuhod dahil sa bigat ng katawan.
Ang rheumatoid arthritis naman ay sakit sa immune system kaya namamaga ang lining ng kasu-kasuan.
Ang mga dapat kainin kapag may osteoarthritis o rheumatoid arthritis ay mga pagkaing laban sa pamamaga tulad ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 fatty acids tulad ng tawilis, tamban, dilis, hasa-hasa, galunggong, at talaba.
Kumain din ng mga antioxidants o mayaman sa vitamin C tulad ng papaya, kalamansi, suha, repolyo, kamatis, bayabas, mangga, berdeng sili (bell pepper) at singkamas.
Kumain ng may beta-carotene o vitamin A gaya ng mga dilaw na gulay at prutas, kamote, mangga, papaya, at kalabasa.
Dagdagan din ang pagkaing may vitamin D para tumibay ang buto gaya ng pula ng itlog, talaba, sardinas, tawilis, tamban, soya milk at kabute.