Nalubog sa baha ang maraming bahagi ng Metro Manila, kabilang na ang Quezon City dahil sa habagat na pinalakas ng Bagyong Carina noong Hulyo 24.
Sa dami ng ibinuhos na ulan sa loob lang ng ilang oras, binaha ang maraming lugar sa ating siyudad. Kinailangang lumikas ng higit 55,000 residente. Maraming gamit, at sasakyan ang nasira.
Ito’y senyales lang ng epekto ng climate change sa atin, na pinalala pa ng walang habas na pagtatapon ng basura kung saan-saan.
Hindi biro ang climate change. Nakikita na natin ang epekto nito sa ating panahon. Hindi ba’t noong summer, napakatinding init ang ating naranasan, na nauwi pa nga sa ilang beses na pagsuspinde ng klase.
Ngayong tag-ulan na ulit, asahan na natin ang mas malalakas na bagyo at buhos ng ulan.
Kaya kung hindi tayo magbabago ng ating mga nakasanayang gawi, mas matinding pinsala pa ang ating haharapin.
Ang laban sa climate change ay hindi lang laban ng gobyerno. Hindi ito kayang mag-isa ng pambansa at lokal na mga pamahalaan. Kailangan ng tulong ng taumbayan para mapagaan ang epekto nito.
Isa sa mga maaari nating gawin ay ang tamang pagtatapon ng ating basura. Nakakalungkot na sa ating clean-up operation pagkatapos ng Carina, trak-trak ng basura ang ating nakuha.
Gawin natin ang ating parte kontra climate change. Maging responsable tayo sa ating kapaligiran, at itapon nang wasto ang ating mga kalat.
Ilagay natin ito sa tamang lalagyan at huwag basta-basta itapon sa mga kanal dahil magreresulta ito ng pagbaha.
May kasabihan nga, “ang basurang itinapon mo, babalik din sa iyo.” Ilang beses na nating naranasan ito sa mga nagdaang mga bagyo. Huwag na nating hayaang maging karaniwan na ito.