HANGGANG ngayon, marami pa ring bumibiyaheng colorum na jeepney at walang ginagawa ang Land Transportation, Franchising Regulatory Board (LTFRB) para hulihin ang mga ito. Patuloy na yumayaot ang mga colorum sa kabila na nagtapos na noon pang Abril 30, 2024 ang palugit para makapag-consolidate sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Anong nangyari at tumamlay ang LTFRB? Nasaan na ang sinabi nilang paglampas ng Abril 30 ay sisimulan na nilang hulihin ang mga hindi nakapag-consolidate?
Sa ilalim ng PUVMP, modernization program, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa Department of Transportation (DOTr), 70 percent na ang nakapag-consolidate. Nilinaw ng DOTr na ang mga operator na hindi nakapag-consolidate ay maaari namang lumipat sa consolidated cooperatives.
Subalit mula nang matapos ang deadline para sa consolidation, wala nang narinig sa LTFRB o sa DOTr mismo. Ang ganitong pananahimik ng dalawang ahensiya ng pamahalaan ay naghatid ng pangamba sa mga grupo ng transport groups na nag-consolidate at todong sumuporta sa PUVMP. Nasaan na raw ang PUV modernization ng gobyerno at tila tumatamlay na makaraang sumuporta rito ang 80 percent ng jeepney operators at drivers. Nag-invest na raw sila rito subalit nasa balag ng alanganin ngayon makaraang ipahayag umano ni Senate President Francis Escudero na sususpendihin ang PUVMP.
Sabi ng pitong transport groups na tinaguriang “Magnificent 7”, kung itutuloy ni Escudero ang planong suspension ng PUVMP, magsasagawa umano sila nang malawakang tigil-pasada. Ayon kay Pasang Masda president Roberto “Ka Obet” Martin, nasorpresa sila sa pahayag ni Escudero sa suspensiyon ng PUVMP. Maaring dumating daw sa punto na magtigil pasada sila para maipadama ang lakas ng 80 percent na nakiisa at tumaya sa modernization program ng pamahalaan.
Ang “Magnificent7” ay binubuo ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEDJODAP), Stop and Go Coalition, at Liga ng Transportation at mga Operators ng Pilipinas (LTOP).
Mahaharap sa malaking problema ang pamahalaan kapag nangyari ang tigil-pasada. Nararapat kumilos ang pamahalaan. Ang pagwawalambahala sa isyung ito ay magdudulot nang mas marami pang problema. Ituloy ang PUV Modernization Program at hulihin ang mga kolorum na jeepney na sagabal na sa kalye. Hayaang ang mga legal at naka-consolidate ang mamayani sa kalye.