SUMISIGAW ng “political harassment si Vice President Sara Duterte dahil inalisan siya ng 75 security detail ng Philippine National Police (PNP) sapul nang magbitiw siya sa pagka-secretary of Education. Naisip ko na baka negatibo ang epekto nito kay Presidente Bongbong Marcos. Pero bilang bise Presidente, hindi naman inalisang ganap ng security detail si VP Sara.
Sa ilalim ng batas, bilang ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa, dapat mayroong mga awtoridad ng pulisya na nagtatanod sa kanya.
Siya kasi ang nasa unang hanay ng mga opisyal na nakatalagang pumalit sa Pangulo kung may masamang mangyari dito at mawalan ng kapasidad na mamuno.
Dahil sa mga maiinit na isyung pumapalibot sa relasyon ng mga Duterte sa administrasyon, baka ang impresyong inalis lahat ang mga security personnel na naka-assign kay Sara ay bumalandra kay Presidente Marcos, kung ito’y hindi mauunawaan ng taumbayan.
Ang tinanggal na security personnel kay VP Sara ay para lang sa kanyang pagiging cabinet member na kinalasan na niya.
Sa harap ng mga paninira ng kampo ni Duterte kay Marcos laging hinahon ang tugon niya at ito’y kapuri-puri.
Ngunit ang pagkakabawas sa security detail ni VP Sara ay malayo sa panggigipit. Matatawag itong ganoon kung lahat ng nagbabantay sa seguridad niya ay inalis lahat.
Dapat pormal na ipaliwanag sa taumbayan. Kung hindi, maaaring malason ang isip ng mamamayan at mabaling ang simpatiya kay Sara. Sa ganitong panahon na walang tigil ang paghambalos kay Marcos na binabato ng mga pekeng isyu, huwag na siyang bigyan ng bala para patuloy na maghasik ng gulo.