BASURA ang sinisisi noong tumama ang malaking baha na nilikha ng Bagyong Ondoy noong 2009 at pagkalipas ng 15 taon, basura rin ang sinisisi makaraang bumaha noong Miyerkules sa Metro Manila at maraming lugar sa Luzon dahil kay Carina at habagat. Sa loob ng 15 taon, walang nabago at lalo pang lumala ang baha. Ang mga hindi binaha noong Ondoy ay inabot ng bahang dulot ni Carina. Marami rin ang nag-akyatan sa bubong ng bahay para maiwasan ang rumaragasang baha. Maraming sasakyan ang nalubog. Umabot na sa 34 ang patay dulot ng baha.
Marami pa rin ang walang disiplina sa pagtatapon ng kanilang basura. Tapon dito, tapon doon ng mga single-use plastic at iba pang basura na hindi nabubulok. Ang mga basurang plastic ay humahantong sa mga estero, kanal, sapa at ilog. Nang mapuno ang mga daanan ng tubig, umapaw at sa kalsada at mga bahay nagtuloy. Hanggang leeg ang lalim ng baha na maski ang mga bus ay hindi kinaya at tumirik sa gitna ng kalsada.
Nang bisitahin ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang mga binaha sa Valenzuela at Navotas noong Huwebes, umapela siya sa mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura. Ayon sa Presidente, ang basura ang dahilan nang malawakang pagbaha noong Miyerkules sapagkat bumara ang mga ito sa pumping stations. Nasira ang pumping stations dahil sa dami ng basurang bumara. Hindi kinaya ng pumping stations sa Valenzuela at Navotas City ang pagdagsa ng basura.
Mayroong 81 pumping stations sa Navotas at 32 naman sa Valenzuela subalit hindi kinaya ng mga ito dahil sa mga bumarang basura. Hindi gumana kaya naman, naging dagat ang Metro Manila na mas matindi pa kaysa Ondoy. Mas marami umanong ibinuhos na ulan si Ondoy kaysa kay Carina. Pero ang nakapagtataka mas malawak ang binaha at ang nilikhang pinsala ni Carina. Matagal din bago humupa ang baha. Hanggang sa kasalukuyan, marami pang lugar sa MM at karatig probinsiya ang baha.
Ipinag-utos naman ni Marcos Jr. na pag-aralan ang disenyo ng mga flood control. Maaaring hindi na raw angkop ang mga ito sa malalakas na bagyo at ulan dulot na rin ng pagbabago o pagpapalit ng klima.
Ang walang disiplinang pagtatapon ng basura ng mamamayan lalo na ang mga informal settlers ang nararapat na mapigilan. Kung maaari, magkaroon ng “kamay na bakal” sa mga magtatapon ng basura sa kung saan-saan. Ang mga barangay officials ang dapat manguna o magpatupad ng batas laban sa mga magtatapon ng basura sa mga estero, sapa at ilog. Ipatupad din ang recycling ng basura para ang mga plastic ay mahihiwalay sa mga nabubulok at hindi humahantong sa mga daanan ng tubig.