SERYOSO ang jueteng bookies operation sa Nueva Vizcaya na agawin ang operation ng numbers game sa Small Town Lottery (STL).
Sa laki ng kita ng jueteng sa Nueva Vizcaya, pakay ni Raul Longgasa, lider ng sindikato ng bookies operation, na patalsikin ang palaro ng King’s 810 Gaming Corporation (KGC) na pinangangasiwaan ni retired Army Col. Marlon P. Gauiran, general manager ng STL-Nueva Vizcaya.
Walang takot si Longgasa, na taga-Bambang at alipores na si Reggie Sta. Maria o “June” na nagbabalak angkinin ang inirehistrong palarong STL ng KGC. Malapit ang sindikato ni Longgasa sa makapangyarihang personalidad sa probinsiya.
Bukod pa rito, may pinalalakad pa si Longgasa na nagngangalang “Borja” at “Lino” na nagpapakilalang dikit sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Nueva Vizcaya na banggain ang STL ng KGC para ang bookies nila ang pumalit. Patunay lamang ito na malalim at malawak ang koneksiyon ng bookies ni Longgasa na bumabangga sa STL ni Gauiran.
Matibay ang koneksiyon ng sindikato ni Longgasa. Sa tagal nang nagbo-bookies sa buong Nueva Vizcaya, hindi siya hinuhuli sa kabila nang mahigpit ng tagubilin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tanging KGC lamang ang lisensiyadong magpapalaro ng numbers game sa probinsya.
Saan ngayon sasandig ang mga nagpapatupad ng batas? Sa lisensiyado o sa konektado? Sa batas na umiiral ukol sa mga palaro o sa nakasisilaw na salapi?
Madaling sagutin ito kung tuwid ang mga nagpapairal ng batas pero kung ang mga awtoridad ay madaling masilaw sa salapi, tiyak papanig sila sa sindikato ni Longgasa.
* * *
Sa reaksiyon o komento, paki-e-mail sa: art.dumlao@gmail.com