Junah B, OFW: lumalagare bilang nurse at negosyante
Baofriend ang pangalan ng isang lumalaking restawran sa United Arab Emirates na pag-aari ng 36-anyos na overseas Filipino worker na si Junah Balungcas. Hango sa salitang “boyfriend” ang tawag sa kanyang negosyo na pangunahing nagtitinda ng mga pagkaing produktong Bao na kahalintulad ng siopao at meron nang mga sangay sa Dubai at Abu Dhabi sa naturang bansa.
Mula sa aktuwal na karanasan ni Balungcas, makakapulot ng mga aral ang ibang mga OFW at mga Pinoy na nagbabalak pa lang mangibang-bansa at naghahangad na makapagnegosyo balang araw.
Isa sa mahalagang payo niya sa mga kapwa niya OFW: Maging optimistiko. “Paghandaan ang mga hamon at kabiguan. Kung pinanghihinaan ka ng loob, maging optimistiko. Isipin ang mga ibubunga nitong maganda. Tingnan ang positibong bahagi ng bawat bagay,” pagbabahagi niya sa wikang Ingles sa isang ulat sa Gulf News.
Idinagdag pa niya na mahalaga sa pagnenegosyo ang pakikibagay, matuto sa mga kabiguan o pagkatalo, regular na i-monitor ang pumapasok at lumalabas na pera at pag-aralan ang mga pasikot-sikot sa negosyo para makapagdesisyong mabuti, epektibong masolusyunan ang problema at makagawa ng istratehikong plano.
Sabi pa ni Balungcas, “Kung meron kang pangarap, saludo ako. Ibig lang sabihin, meron kang hangarin. Maniwala at huwag mawalan ng pag-asa pero pagsikapan ding trabahuhin ang pangarap na iyon. Huwag basta mamulat, isabuhay din ang pangarap!”
Hindi naman mabilis at agaran ang kung ano mang tagumpay meron siya ngayon. Dumaan din siya sa maraming hirap bago narating ang kasalukuyan niyang kinalalagyan. Wala siyang pormal na karanasan o edukasyon sa pagrerestawran o pagnenegosyo at hindi ito ang pinag-aralan niya noon sa kolehiyo.
Batay sa mga kuwento ni Balungcas sa Entrepreneur, Gulf News, at Filipino Times, lumaki siyang iskuwater sa Molave, Zamboanga del Sur. Siyam na taong-gulang pa lang siya ay tumutulong na sila ng kanyang kapatid sa maliit na restawran sa isang palengke na pinapatakbo ng kanilang nanay at sa matadero ng kanilang tatay.
“Natutuhan ko sa aking mga magulang ang pagnenegosyo. Kung paano makikipag-usap sa mga tao, paano ka magbebenta ng iyong produkto. Kung minsan, nagkakahera ako sa matadero o nagkakatay o nagbebenta ng karne,” paglalahad ni Balungcas na nag-aral at nagtapos ng nursing noong nandito pa siya sa Pilipinas. Noong taong 2011, dumayo at nagtrabaho siya bilang nurse sa UAE. Naging nurse manager siya sa dalawang healthcare clinic sa Al Ain at Sharjah sa naturang bansa hanggang, pagkaraan ng 11 taon o noong 2021, itinatag niya ang Baofriend. Kapwa niya nilalagare ang pagiging nurse at negosyante. Sa pamamagitan ng suporta ng kanyang asawa, sa kanyang naipong pera at ilang tulong pinansiyal mula sa kanyang pamilya at mga kaibigan, itinayo niya ang unang sangay ng Baofriend sa Dubai.
Nakakadama siya ng kasiyahan kapag may mga tao na nabibigyan niya ng trabaho sa kanyang mga negosyo. Para sa kanya, pinakamalaki niyang tagumpay ang hangarin niyang makatulong sa ibang mga tao, lumikha ng trabaho para sa kanila at bigyang-kasiyahan sa kanilang trabaho ang kanyang mga empleyado.
Nagpapatuloy pa rin siya sa kanyang trabaho bilang nurse kaya kumuha siya ng mga tao na tutulong sa kanya. Nurse siya mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at pagkatapos nito, pinag-iisipan na niya ang negosyo at mga istratehiya sa pagpapatakbo nito. Bukod pa rito, kumukuha siya ng Master’s degree sa nursing.
Sa palagay ni Balungkas, nakatulong ang mga pamamaraan niya sa paggasta ng pera para makaipon at magkaroon ng puhunan sa negosyo. “Nakaipon ako nang sapat. Hindi ako bumibili ng mga bagay na personal na hindi ko kailangan. Isinasaintabi ko ang mga gusto ko at binibili ko lang ang kung ano ang kailangan. Halimbawa, hindi ako bumibili ng mamahaling bag at magbayad ng isang arm and leg para dito kung meron namang mabibiling ganitong bag na mas mura pero maganda pa rin. Kung kailangan mo ng komportableng sapatos, hindi naman kailangang bumili ng luxury brand. Marami diyang mga sapatos na merong kalidad pero mas mura. Kaya, sa simpleng pamumuhay at pag-iwas sa pagwawaldas, nakaipon ako ng pera para sa negosyo,” paliwanag ni Balangcas.
Ibinahagi rin niya na, pagdating sa restoran, maingat siya sa pagkonsulta sa manedyer ng kanyang restawran at sa head chef sa pagbili ng kung ano ang mas magaling, kahit magkano pa, para matiyak na hindi makokompromiso ang kalidad ng pagkaing ihahain sa kustomer.
Nabatid din na, dahil mahigpit ang kumpetensiya sa napakaraming restoran sa UAE, kumuha siya ng isang restaurant consultant at nagsimulang magha-nap ng mga bihasang kitchen at waiting staff at restaurant manager. “Kaya kailangan ang ganitong teamwork para maisakatuparan ang restawrang ito,” diin niya. “Para sa akin, na nagsisimula pa lang noon sa negosyo, kailangan ko ng tulong ng iba.
Natutuhan ko na kung meron kang mahihingan ng tulong, huwag mag-atubiling gawin ito.
Pangalawa, dapat paglaanan mo ng oras ang negosyo mo para makakilos ito at magtagumpay.
Araw-araw meron kang matututuhang bago mula sa mga bagay na simple tulad ng gagamiting brand ng tissue paper hanggang sa pagbili, isang mamahalin laban sa mas murang brand, hanggang sa mga isyu sa empleyado o pinansiyal. Matututuhan mo sa paglipas ng panahon ang pagharap sa mga hindi maiiwasang mga isyu. Mas mabilis ang proseso ng pagkatuto kung magpapatulong at kokonsulta ka sa iba na maalam sa negosyo,” paliwanag pa ni Balungcas.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest