NAULIT ang “Ondoy” at muling lumubog ang Metro Manila sa baha. Walang ipinagkaiba ang tumamang Bagyong Ondoy noong Setyembre 25, 2009 sa pagtama ng Bagyong Carina at habagat noong Huwebes. May mga taong umakyat sa bubong ng kanilang bahay para makaiwas sa baha. May mga sasakyang nalubog sa baha. May mga bahay na tinangay nang malakas na agos.
May mga nagsabi na ang basura ang dahilan kaya naging malubha ang baha. Barado ang waterways kaya hindi makaagos sa dagat ang baha. Pero mas kapani-paniwala na ang mga ginagawang reclamation projects sa Manila Bay ang dahilan kaya lumulubog ang Metro Manila. Dahil mababa, nakatinggal ang tubig.
Maski ang mga senador at environmentalists, ang patuloy na reclamation sa Manila Bay ang tinuturong dahilan kaya nangyayari ang pagbaha. Malaki na umano ang inilubog ng MM dahil sa ginagawang reclamation.
Ang nangyayaring ito na malawakang pagbaha sa MM ay hindi dapat ipagwalambahala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang DENR ang may responsibilidad sa kapansin-kapansing paglubog ng MM na kung hindi bibigyan ng atensiyon ay maaring matulad sa Jakarta, Indonesia na ayon sa report ay mabilis ang paglubog. Iniuugnay ang mga malulubhang baha na nangyayari sa Jakarta sa mga nakalipas na taon kaya may konklusyon na lumulubog ang siyudad.
Kung pagbabatayan ang mga matitinding pagbaha na matagal bago humupa, masasabi ngang lubog na ang Metro Manila at ang dahilan ay ang mga isinasagawang reclamation projects sa Manila Bay.
Ipinahinto na ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang lahat nang reclamation projects sa Manila Bay noong Agosto 7, 2023 subalit patuloy na sinusuway ng mga kompanya. Patuloy ang kanilang reclamation sa Manila Bay at maging sa Cavite. Sinabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) may mga dredging vessels na nagsasagawa ng seabed quarrying sa Cavite. Ang dredging operations umano ay nagpapatunay na pagkukunwari lamang ang suspension order ng Presidente. Dapat daw magbaba ng official executive order ang Presidente ukol dito.
Nararapat kumilos ang DENR at ipatupad ang kautusan. Sila ang dapat manguna. Magkaroon ng ngipin sa mga kompanyang patuloy sa pagtatambak at paghuhukay sa Manila Bay at iba pang karatig lugar. Hindi masosolusyunan ang pagbaha sa Metro Manila hanggat patuloy ang reclamation sa Manila Bay.
Ang pagbaha sa Metro Manila noong Miyerkules ay mauulit at maaring mas matindi pa kung hindi matitigil ang pag-reclaim at mga paghuhukay sa Manila Bay.