SINGAPORE Airlines ang pinakamarangyang eroplano sa Southeast Asia. Pinaka-kumportable rin. Kaya pinakamahal ito. Pangmayaman.
Malaking balita na tinamaan ng “extreme turbulence” ang flight nito mula London patungong Singapore nu’ng May 21. Isang pasahero ang namatay at 71 ang nasaktan sa matinding pag-alog ng eroplano. Napilitan ito lumapag sa Bangkok para ipagamot ang mga sugatan, anim sa kanila malubha. Pati asawa ng nasawi ay inospital.
Walang pinipiling eroplano ang extreme turbulence. Malaki man o maliit, bago o luma, first class o economy, lahat maaring yugyugin. Nagbubunsod ng extreme turbulence ang mga bagyo, bundok at malakas na buga ng hangin o jet streams.
Kadalasan nade-detect ito ng weather radar ng eroplano kaya nakikita sa screen ng piloto. Nagbababala ang piloto na tutumbukin ng eroplano ang extreme turbulence kaya dapat mag-“fasten seatbelt”. Bawal tumayo ang mga pasahero at flight crew.
Pero ang tumama sa Singapore Airline ay “clear-air turbulence”. Malinaw pero malakas na hangin ito. Hindi nasisimpat ng radar. Mabibigla na lang ang mga nasa eroplano.
Lumalakas at dumarami ang extreme turbulence dahil sa climate change, anang mga mananaliksik. Tumitindi ang init at lamig ng panahon, sumisirit o bumabagsak ang temperatura, kaya humaharurot din ang hangin ng bagyo, bundok at jet streams.
Dumami nang 55 percent ang extreme turbulence mula 1979 hanggang 2020. Ulat ‘yan ng scientists ng Reading University, Britain. Dumami rin ang eroplano at flights, kaya mas marami ang malamang na tamaan.
Ayon sa mga eksperto, manatiling naka-seatbelt. Bawasan ang pagtayo at pagtungo sa toilet. Dagdag kong payo: dalasan ang pagdasal.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).