KAPAG nahuli ni mister ang kanyang asawa na may kasiping na ibang lalaki at nasa akto sila ng pagtatalik, kung sakali naman na mapatay niya ang isa o ang dalawa ay hindi siya mananagot sa batas basta mapatunayan na ang bugso ng kanyang galit ang nagtulak sa kanya na gawin ang krimen. Ito ang ipaliliwanag sa kaso nina Nardo at Linda.
Kahit apat na ang kanilang anak at matagal na silang kasal ay nanatiling magulo ang pagsasama nina Nardo at Linda. Hindi na nakatira sa isang bahay ang dalawa at kasalukuyan pa silang nahaharap sa asunto sa Barangay. Pati ang mga matatandang kamag-anak ay sinubukan na nilang hingan ng tulong dahil sa walang katapusang bangayan ng dalawa.
Hindi rin naman masasabi na malinis si Linda dahil kalat sa bayan ang tsismis tungkol sa pagsama niya sa iba’t ibang lalaki lalo kay Danny.
Bandang 11:30 ng umaga ay nakaupo sa harap ng bahay ni Lisa ang magkapatid na Linda at Fely kausap si Nita tungkol sa taniman ng strawberry kung saan sila namitas.
Biglang dumating si Nardo at walang anumang sinampal si Linda sa kanang pisngi sabay sabi na “halika at makuha mo ang gusto mo”. Naglabas siya bigla ng kutsilyo mula sa bulsa at nagtakbuhan palayo ang mga babae. Si Fely ay tumakbo palayo para humingi ng tulong pero nang lumingon siya ay nakita niya si Linda na bumagsak sa kanal at dalawang beses na sinaksak ni Nardo.
Ang kapatid ni Linda na si Lando ay nagtataga ng kahoy na panggatong nang marinig ang mga sigaw ng kababaihan. Tumakbo siya palapit kay Fely at nakita si Linda na nakabulagta sa lupa. Nagdurugo ang likod ng babae samantalang nakatayo si Nardo may 8 o 10 metro sa di kalayuan. Sinugod ni Lando si Nardo pero tumakas ang lalaki. Binalikan ni Lando si Linda at pinangko sabay dinala sa ospital pero namatay din ang babae at dineklarang “dead on arrival”.
Sa kabilang banda, umuwi sa kanilang bahay si Nardo at nang matagpuan ng mga pulis ay nakaupo sa banyo katabi ang kutsilyo na may bahid ng dugo. Ito ang patalim na ginamit niya sa misis niya at mayroon pa silang nakita na bote ng lason. Dinampot ng mga pulis si Nardo pero naiwan ang patalim sa banyo.
Base sa kuwento ng mga testigo, kinasuhan si Nardo ng krimen ng pagpatay sa asawa (parricide) dahil sinadya at walang awa niyang pinagplanuhan at sinaksak ang kawawang babae hanggang sa mamatay dahil sa tinamong sugat sa kaliwang dibdib. sa paglilitis ay tumestigo ang lahat ng tao na nakasaksi sa pangyayari.
Sa kanyang parte, tinanggi ni Nardo ang pagpatay at ang palusot ay dumating siya sa kanilang bahay noong araw na iyon galing sa pagtitinda ng strawberry sa palengke pero nahuli niya ang misis at isang lalaki na ang pangalan ay Jimmy sa mismong loob ng kanilang kuwarto at nasa akto ng pagtatalik.
Agad daw siyang tumakbo sa kusina para kumuha ng kutsilyo bilang proteksyon sa sarili dahil mukhang mas malakas ang lalaki. Pero pagbalik niya ay nakabihis na si Jimmy at lumundag na sa bintana para tumakas.
Hinabol niya pero hindi na nahuli ang lalaki. Kaya ang misis niya ang kanyang binalikan. Wala na raw sa kanilang bahay ang babae at nasa bahay na nila Nita. Tinanong daw niya si Linda kung paano nito nakuhang pagtaksilan siya pero ang sagot ng babae ay talaga raw plano na nito na makipaghiwalay kaya lalong nagalit si Nardo at sinampal ang misis pero tumakbo din ang babae.
Hinabol daw niya ang asawa hanggang sa makarating sila sa may talampas kung saan sila nahulog pareho at doon natagpuan ng mga pulis.
Hindi pa rin kumbinsido ang korte sa testimonya ni Nardo na sa tingin nito ay hindi sapat para patunayan na inosente siya at palusot lang ang lahat ng kanyang sinasabi. Kaya nahatulan pa rin si Nardo. Kinatigan ng Supreme Court ang mababang hukuman.
Ayon sa SC, hindi kapani-paniwala ang depensa ni Nardo. Ang pagpatay ay dapat na direktang sanhi ng galit na nangibabaw sa isang asawang nahuli ang kanyang kabiyak sa aktong nakikipagtalik sa kalaguyo nito. Ang pagpatay ng mister ay dapat na may kinalaman sa harapan na pagkapahiyang natanggap nito dahil sa pangangaliwa ng misis.
Sa kasong ito ay hindi naman napatunayan ng depensa ang paratang na nadiskubre si Linda at Jimmy na nagtatalik. Kontra pa nga dito ang testimonya ng mga testigo ng prosekusyon na nagpapatunay na noong araw na iyon ay kasama nila buong umaga si Linda sa pamimitas ng strawberry. Kita na imposible ang sinasabing nagkaroon ng pagkakataon na makipagtalik ang biktima sa ibang lalaki. Kung tutuusin ay madaling nabutasan ang paratang ni Nardo na nakipagtalik si Linda sa ibang lalaki. Ang depensa niya ay walang basehan.
Ang pagpatay ng isang asawa sa kanyang kabiyak ay hindi lang mapaparusahan kung sakali at talagang mahuli ang asawa at kalaguyo nito sa aktong pagtatalik o ang tinatawag na “in flagrante delicto”. Magagamit lang ito kung may ibayong pag-iingat at ayon sa batas ay mapatunayan na nasa akto ng mismong pagtatalik o pagkatapos nito ang dalawang nagtataksil (People vs. Wagas, G.R. 61704, March 8, 1989).