Limampung taon ng proteksyon mula sa bakuna

Libreng flu vaccination para sa senior citizens sa Las Piñas City, hatid ng RAISE coalition.

Isang buhay kada anim na minuto. Ayon sa pag-aaral ng Lancet, isa sa mga nangungunang academic journals sa buong mundo, ganito kadaming buhay ang naililigtas ng pababakuna sa loob ng nagdaang 50 taon -- itinatayang 154 milyon ito, kung saan 101 milyon ay mga sanggol pa lamang.

Binigyang-diin sa Health Connect Media Forum ang kahalagahan na paigtingin ang kampanya sa pagbabakuna, di lamang sa mga bata kundi pati na rin sa mga matatanda.

Bukod sa tagumpay na ito, ang Expanded Programme on Immunization (EPI) din ang pinasasalamatan ng mundo sa pagkawala ng smallpox simula noong 1980. Isang napakalaking hakbang na nakamit sa loob ng anim na taon mula nang itinatag ang inisyatibong ito ng World Health Organization (WHO). Ngayon, bawat bansa, kabilang na ang atin, ay may immunization program.

Ginugunita natin ngayon ang ika-50 taon ng EPI, at ako'y muling nabigyan ng pagkakataon na maging moderator sa gitna ng mga mahuhusay na lider, eksperto, at mga stakeholder ng immunization sa ating bansa sa Health Connect Media Forum. Bilang isang health advocate, masaya at puno ng mapupulot na aral ang maging bahagi ng mga ganitong pagtitipon, na hatid sa atin ng Pharmaceutical Healthcare Association of the Philippines (PHAP).

Tamang impormasyon tungkol sa proteksyon

Isa sa mga layunin ng Health Connect, ayon kay Mr. Teodoro Padilla, Executive Director ng PHAP, ay "pagtibayin pa ang kolaborasyon ng mga stakeholder para sa pagpapataas ng coverage rates ng ating bansa."  

Marami pa tayong dapat gawin.  Ayon sa huling datos, nasa 62.3% pa lamang tayo mula sa target na 95%. 

Naniniwala akong may malaking tungkulin ang media pagdating sa whole-of-society approach na isinusulong ng mga eksperto sa pagbabakuna, lalo na pagdating sa pagbibigay ng wastong impormasyon tungkol sa bakuna at sa ating kalusugan. 

Nagbahagi ng kwento si Dr. Fatima Gimenez tungkol sa kalagayan ng pagbabakuna sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan nananatiling mababa ang vaccine coverage. Isa sa mga proyektong naging prayoridad nila ay mga information dissemination sessions, na agad namang nagbunga sa pagbabakuna ng halos 2,000 bata.

Sinundan ito ng isa pang sesyon kasama ang mga magulang at iba pang miyembro ng lokal na komunidad. Ayon kay Dr. Fatima, “marami ang nais matuto, at ang mga magulang ay talagang determinadong malaman kung paano mapo-protektahan ang kanilang mga anak."

Sa kanyang emosyonal na kwento ay naalala ko rin ang panahon ko sa Bantay Bata 163. Hindi palalagpasin ng mga nagmamahal na magulang ang pagkakataong bigyang-proteksyon ang kanilang anak, at kadalasa’y kaagapay nila ang kanilang komunidad para rito.

Mula sa datos ng Reach 52, ibinahagi ng kanilang Community Operations at Insight Manager na si Ms. Rachel Alcalde-Dumlao ang mga nangungunang balakid sa pagbabakuna ng mga bata.  Nariyan daw ang pagsasawalang bahala dulot ng kakulangan sa impormasyon, ang pag-aalala sa mga gastusin, at maging ang relihiyon.

Gaya ng sabi ni Rachel, naniniwala akong kailangan pa natin ng mas pinalawak at pinalalim na kampanya para sa pagbabahagi ng tamang impormasyon tungkol sa bakuna.

Ang pagbabakuna ay hindi lamang para sa mga bata, ito ang paalala sa atin ni Dr. Faith Villanueva, Adult Immunization Committee Co-Chair ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases.  Sabi niya, "mayroon tayong tumatandang populasyon. Malaking bahagi nito’y nasa workforce.  Habang tumatanda tayo, humihina rin ang ating immunity sa mga sakit."

Sang-ayon ako na dapat nating tutukan pa ang catch-up immunization, lalo na para sa ating mga lolo at lola. Sabi ni Dr. Shelley de la Vega, Director ng Institute of Aging sa National Institutes of Health, "kasama sa healthy aging ang isang life course approach sa immunization."

Mula sa usapin ng healthy aging, nabigyan ng atensyon at papuri ang mga local government unit (LGU) tulad ng Carmona City, bilang isa sa mga nagpapatupad ng epektibong vaccine program. Dahil dito, mayroon silang 97.8% vaccination coverage sa kanilang senior citizens. Nakasama natin si Mayor Dahlia Loyola para ibahagi ang kanilang mga stratehiya at mga hakbang para magtagumpay sa inisyatibong ito.

Ayon kay Mayor Dahlia, nagsisimula ito sa pagtataguyod ng isang "supportive environment." Kabilang dito ang mga incentive program at masigasig na awareness campaigns, kasabay ng mga proyekto tulad ng libreng transportasyon at mobile vaccine centers, at maging ang pagtutulungan ng mga health workers hanggang sa barangay level.

Si Mayor Dahlia Loyola, na isang doktor rin, ang isa sa mga nagtuturok ng bakuna sa kanilang lungsod.

Ang tunay na potensyal ng mga partnership

Kahanga-hanga ang Carmona City, dahil ipinakita nila sa atin kung ano ang kaya nating makamit sa ating pagtutulungan. Masayang ibinahagi sa atin ni Mayor Dahlia na dahil sa pagtutok sa pagbabakuna, ngayon ay "zero na ang kaso ng tigdas, polio, diphtheria, at neonatal at maternal tetanus" sa kanilang lungsod. Isang malaking tagumpay para sa bawat pamilya at lokal na komunidad.

Samantala, ang mga organisasyon tulad ng Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE) Coalition ay patuloy na nakakahanap ng partnership tulad ng mga LGU ng Quezon City at Las Piñas City para makapaghatid din ng libreng bakuna para kay lolo at lola.

Tunay na nakakapagpalakas ng loob na masaksihan ang mga diskusyon sa Health Connect, kung saan nagiging sentro ng bawat usapin ang pagtupad sa hangarin ng EPI: na mas palawakin pa ang ating vaccine coverage rate, at masigurong abot-kamay ang bakuna para sa bawat miyembro ng ating mga komunidad, nasaan man sila.

Dagdag naman ni Ginoong Padilla ng Phap, “Ang paggunita natin sa ika-50 taon ng EPI ay selebrasyon din ng bawat buhay na naligtas dahil sa pagbabakuna. Ipinagdiriwang din natin ang mga partnership na nabuo dahil sa ating determinasyon na maghatid ng accurate health interventions." 

Mula sa anim na sakit na naging pokus ng EPI sa pagkakatatag nito, ngayon ay may 13 nang universally-recommended na bakuna para sa iba't ibang edad, at may 17 pang context-dependent na inirerekomendang mga bakuna. 

Sa pagbabalik ng umaakyat na bilang ng vaccine coverage rates, masayang isiping mas lumalalim pa ang pagtanggap ng ating komunidad at ng ating public health sector sa pagbabakuna. 

Sa palagay ko, darating ang panahong wala nang miyembro ng ating pamilya at komunidad ang magiging biktima pa ng sakit na maaari namang ilayo ng mga bakuna. Buo ang tiwala ko sa ating mga lider at eksperto na makararating din tayo rito.

Gaya ng sabi ni Dr. Faith, "It is humanly possible, it is very doable, and it can be a reality." Kaya naman ipagpatuloy lang natin ang pagtutulungan, and we’ll get the jab done! 

---

Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook at YouTube (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). Sundan din ang aking social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktok, and Twitter. Ipadala ang inyong mga suhestiyon at kuwento sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments