Viral video ni BBM, malisyoso!

Nagulantang ang sambayanan nitong Lunes nang nag-viral sa social media ang kamukha ni President Bongbong Marcos na parang may sinisinghot, na ayon sa kritiko niya, ay droga. Kamukha lang talaga ha? Ang masama nito, kung sino man ang nasa likod nito, abayyyyy nai-timing n’ya ang pagpakalat ng video sa 3rd SONA ni BBM.

“Maliscious,” ani Executive Sec. Lucas Bersamin. Siyem­pre, naglutangan din ang mga kaalyado ni BBM at nagsi­sigaw na peke ang video. Tsk tsk tsk! Wala na bang ibang maisip na dahilan kundi peke? O tamad lang mag-isip? Sa tingin naman ng mga kosa ko, tama lang ang hamon ni Tatay Digong na pumasailalim sa isang masusing drug testing si BBM para maisara na ang isyu “once and for all.” Mismooo! Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Kumilos naman kaagad si Interior Sec. Benhur Abalos at inutusan si PNP chief Gen. Rommel Francisco Mabril na magtatag ng “Task Force” para alamin ang puno’t dulo ng isyu at mag-file ng kaso. Isa si Abalos ang nagsasabing peke ang video at ang itinuturo n’yang palatandaan ay ang earlob ni BBM.

Ayon kay Abalos, matagal na niyang nagiging kasalamuha­ si BBM at kilala niyang maigi ang kilos at galaw nito. Eh di wow! Ang sinisiguro lang ni DIDM director Brig. Gen. Matthew Baccay ay kakasuhan ng violation ng Anti-Cyber­crime law o RA 10175 ang nasa likod nito.

Ang naturang batas ay may kaparusahan na apat hang­gang walong taon na pagkabilanggo, ani Baccay. Araguyyy! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Siyempre, ang itinuturo na nasa likod ng video ay ang kampo ni Tatay Digong sa kadahilanan na naunang maipa­labas ito sa mga rally ng samahang Maisug sa abroad. Tulad ng inaasahan, deny to death din si Tatay Digong at imbes hinamon si BBM na magpa-drug test para mapatunayan na hindi siya sumisinghot ng droga.

Ewan ko lang kung may sagot na ang kampo ni BBM? Dipugaaa! Sana magandang pakinggan naman ang maisip na dahilan ng mga alipores ni BBM para mamatay na ang isyu na ‘yan na ibinulgar na ni Tatay Digong noong panahon ng kampanyahan pa sa 2022 elections. Mismooo! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Kung sabagay, hindi naman tumagal sa social media ang video dahil nai-take down na din ito ng mga bloggers. Mukhang natakot ang mga bloggers sa banta na kakasuhan sila ng cyber libel. Ano pa nga ba? Kaya bahala na si Maharlika na magpalaganap ng video sa anumang paraan na maisip n’ya. Sa totoo lang, maging si Maharlika ay naligo rin ng kaso sa U.S., ayon kay kosang Gracia. Sanamagan!

Hindi naman bago itong gibaan ng mga pulitiko sa Pinas, di ba mga kosa? Kaya maraming isyu pa ang ikakalat ng mga detractors ni BBM, lalo na at palapit na ang midterm elections. Tsk tsk tsk! Ang sakit sa bangs nito! Imbes na ang kapakanan ng mga mahihrap na Pinoy ang talakayin nitong mga pulitiko, ang sariling interes nila ang inuuna. Dipugaaa! Parang wala nang katapusan itong away pulitika. Mismooo!

Lalabas din ang katotohanan dito sa viral video ni BBM?

Abangan!

Show comments