KABILANG ako sa mga mapalad na naimbitahan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni President Bongbong Marcos Jr. noong Lunes sa House of Representatives.
Gaya ng aking inaasahan, talaga namang ramdam mo ang mensahe na nais ipahatid ng Presidente sa kanyang talumpati. Straight to the point, may sinseridad sa kapakanan ng taumbayan at walang halong pambobola.
Napuno ng sigawan at palakpakan ang plenaryo nang sambitin ni PBBM ang mga salitang ‘’Effective today, all POGOs are banned.”
Suportado ko ang desisyong ito ng Presidente, na nagpakita ng kanyang political will sa harap ng panganib at perwisyong dala ng mga ilegal na POGO sa bansa.
Tama lang ang desisyong ito para mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad at ang ating bansa, lalo pa’t napapabalita ang pagdating ng mga dayuhan na nagtataglay ng mga kuwestiyonable o pekeng dokumento.
Natutuwa rin ako sa mga binanggit ng ating Presidente tungkol sa edukasyon, kabuhayan at kalusugan.
Bilang mayor, ang mga aspetong ito ay binibigyan ko ng sapat na atensyon at suporta para sa ating QCitizens.
Sa ating lungsod, isa sa mga tinututukan ko ay ang pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng sapat na tulong sa ating mga guro.
Naglalaan din tayo ng pondo at tulong para sa mga makabagong gamit gaya ng smart TV, laptop, internet connection at marami pang iba para magamit ng ating mga guro at mga estudyante.
Pagdating naman sa kalusugan, tinitiyak ng pamahalaang lungsod na mayroong sapat na gamot at pasilidad sa ating mga health center at mga ospital na pinatatakbo ng lungsod para agad na matutugunan ang pangangailangang medikal ng ating mga residente.
Wala ring patid ang pag-aabot natin ng tulong sa mga residente nating magkaroon ng sariling maliit na negosyo para may sariling kabuhayan ang kanilang pamilya, sa pangunguna ng ating Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO).
Ilan lang iyan sa mga kontribusyon ng ating lungsod sa isinusulong na hangarin ng administrasyon para sa isang matatag at maunlad na Bagong Pilipinas!