ISINARA na muna ng MMDA ang kontrobersyal na rampa sa Philam station ng MRT, dahil sa rami ng pintas at batikos. Ayon sa mga bumatikos, masyadong matarik na siguradong mahihirapan ang naka-wheelchair. Tila imbis na makatulong, napasama pa.
Bago isinara, dinepensa naman ng MMDA, puwede pa rin daw ito gamitin ng mga ibang PWD, mga buntis at mga senior citizen. Hindi naman daw ganun katarik kung titingnan sa ibang anggulo. At kung may naka-wheelchair, tutulungan daw ito ng mga taga-MMDA na nakadestino sa istasyon.
Pero bukod sa matarik na rampa, madulas daw ang sahig nito. Kaya kung mababasa kapag umulan, baka madulas. Hindi rin daw sang-ayon sa mga nakasaad sa Batas Pambansa 344 kung saan may tamang anggulo para sa rampa.
May mga arkitektong nagbigay din ng obserbasyon na masyadong matarik nga. Maaaring hindi matarik para sa malakas na tao, pero para sa mahinang senior, naka-crutches, o buntis ay baka mahirapan.
Paliwanag ng MMDA ay hindi masusunod ang nakasaad sa BP 344 dahil walang lugar. Sa madaling salita, pinilit gumawa ng rampa at ganun nga ang kinalabasan. Hindi rin daw kinunsulta ang National Council on Disability Affairs (NCDA) para nakapagbigay sana ng opinyon.
Isinara ng MMDA para sa “improvements”. Baka lagyan ng elevator para sa mga naka-wheelchair. Siguro pati ‘yung sahig ay babaguhin ng bahagya. Wala nang magagawa sa matarik ng rampa kaya ibang mga tulong na lang ang malalagay.
Malayo pa ang Pilipinas pagdating sa tulong sa mga PWD at senior. Ikumpara sa ibang bansa, pati mga bulag ay may magagamit na tulong sa kanilang paglakad sa labas. Sabihin nang dagdag gastos ito para sa pribado at publikong esktor. Pero dahil nga may batas, dapat nasusunod.
Aabutin daw ng dalawang buwan ang pagsasaayos sa rampa. Hintayin na lang natin kung magiging epektibo ang mga bagong improvements. Dapat may aktuwal na mag-testing ng rampa—mga senior, mga pilay, buntis, bulag. naka-crutches at naka-wheelchair—sila ang makapagbibigay ng tunay na opinyon kung nakatulong nga o hindi.