Kahapon dumating ang 35,594 metric tons ng imported na bigas. Ayon sa Department of Agriculture (DA) ang dumating na imported rice ay nasa ilalim ng ipinatutupad na mababang taripa o buwis na nakapaloob sa Executive Order No. 62 na inisyu ni President Marcos Jr. noong Hunyo. Sa pagdating ng imported rice, mababawasan daw ng P6 hanggang P7 ang presyo ng local na bigas. Samantala, ang local commercial special rice ay nagkakahalaga naman ng P56 at P65. Sa kabuuan, ang rice imports ng Pilipinas mula Enero hanggang Mayo ay umabot na sa 400,000 metriko tonelada. Ayon pa sa DA, may posibilidad na umangkat pa ng bigas ang bansa sa mga susunod na buwan.
Ang Pilipinas ang number one importer ng bigas sa buong mundo. Ikalawa ang Indonesia, pangatlo ang China at pang-apat ang European Union. Umaangkat ang Pilipinas sa Vietnam, Thailand, Pakistan at India.
Dati, ang Pilipinas ay nag-export na ng bigas noong 1968 hanggang 1970 at naulit noong 1977 hanggang 1980. Hindi na ito naipagpatuloy mula noon. Nagkaroon ng mga problema at hindi na sinubukan pang tugunan ng mga naging Presidente ng bansa. Hanggang sa umasa na lamang sa pag-import. Tinalo ng Vietnam ang Pilipinas sa rice production sa kabila na dinurog ng digmaan ang nasabing bansa noong dekada 60. Ang Vietnam ang number one supplier ng bigas sa Pilipinas. Mas malaki ang lupang sakahan ng Pilipinas kaysa Vietnam.
May malaking problema sa sector ng agrikultura kaya hindi makapag-produce nang sapat para sa pangangailangan ng mamamayan. Hindi na nangarap maparami ang ani at nagdepende na sa imported na bigas.
Sinabi minsan ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya matanggap na nag-aangkat ng bigas ang bansa lalo pa’t isang agricultural na bansa. Sinabi niya ito noong 2022 nang maupong Presidente at nanungkulan ding Agriculture Secretary. Pinangako niya na magkakaroon ng pagbabago. Napabayaan aniya ang sector ng agrikultura ng mga nakaraang pamunuan. Tutulungan ang mga magsasaka para dumami ang ani. Pati ang farm to market road ay nabanggit din niyang isasaayos. Pero magdaraos na siya ng ikatlong State of the Nation Address sa Lunes ay wala pa ring pag-unlad sa agrikultura at patuloy pa ang pag-angkat ng bigas.
Hindi lamang bigas ang bumabaha sa bansa kundi pati imported frozen chicken, manok. Nangangamba ang mga lokal na poultry raisers na maapektuhan ang kanilang kinikita dahil sa imported na manok.
Mabanggit sana ito ni Marcos sa kanyang SONA para naman hindi aandap-andap ang kalooban ng mga magsasaka ng palay at magmamanok sa bansa.