Ganito ang inaasam nang maraming Pilipino:
Matigil na ang bangayang pulitikal sa bansa na balakid sa ating pag-asenso; bumaba ang presyo ng mga basic commodities na pahirap sa mga mamamayang tumaas man ang suweldo ay kakapiranggot.
Mabura na ang kultura na ang mga pobre ay lalong naghihirap habang ang mga mayaman ay lalong nagkakamal ng yaman bunga ng kasamaan; mawala na ang mga pulitikong ang prayoridad ay kapakanan ng sarili at hindi ng mamamayan.
Magkaroon ang bawat Pinoy ng trabaho na ang sahod ay makatutugma sa mataas na presyo ng paninda; mabawasan kundi man mawala ang mga krimen; Magkaroon ng pantay na paglalapat ng hustisya sa lahat, mayaman o mahirap.
Maglaho nang tuluyan ang korapsiyon sa pamahalaan na umuubos sa pera ng bayan na dapat ginagastos para sa mahihirap.
Maitaboy lahat ang mga banyagang ilegal na naging mamamayang Pilipino at gumagawa ng krimen sa bansa; maparusahan ang mga matataas na opisyal na sa malaking perang isinusuhol ay pinapayagang makalusot sa bansa ang mga illegal aliens.
Mahuli na ang lahat ng mga prominenteng law offenders na hanggang ngayo’y tinutugis ng mga awtoridad.
Magkaroon na ng kapayapaan sa West Philippine Sea upang muli nating mapakinabangan ang likas na kayamanan ng karagatan gaya ng mga lamang dagat at iba pang mineral resources.
Iyan ang inaasam nang marami sa State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Bongbong Marcos sa Lunes, datapwat tila hanggang ngayon, pulos pangarap pa lang o State of a Dream Address (SODA). At least kahit SODA —dito ay ididighay natin ang mga frustration sa nangyayari sa paligid. Buurrrpp!