Isinasaad sa batas na bawal magdonasyon ang mag-asawa ng mga ari-ariang kanilang naipundar mula noong sila ay ikasal.
Ngunit kung ang mga ari-arian ay natamo nila habang sila’y nagsasama pa lang at hindi pa kinakasal, bawal pa rin bang ipamigay ito?
Ito ang sasagutin sa matutunghayang kaso.
Ang ari-ariang sangkot dito ay isang loteng may sukat na 350 square meters na nakarehistro sa pangalan ng mag-asawang Mario at Maria na may dalawang anak, sina Mila at Danny.
Bago sila ikasal, si Mario ay may asawa na at may mga anak na, isa rito ay si Jerry na may isang anak na si Jimmy.
Pagkaraan ng dalawang pu’t limang taon, ibinigay ni Maria ang karapatan niya sa lupa kay Mario. At si Mario naman ay ibinigay ang lupa sa apo niyang si Jimmy na anak ni Jerry.
Kaya may bagong titulo na sa pangalan ni Jimmy at sinangla ito kay Randy. Pagkaraan nito, nadeklarang walang bisa ang kasal nina Mario at Maria sa simula’t simula pa.
Kaya nagsampa ng kaso sa RTC si Mila na isa sa mga anak nina Mario at Maria upang ipawalambisa ang donasyon ni Mario kay Jimmy dahil ito raw ay pinirmahan lang ni Mario base sa nasabing pagsalin ng karapatan ng nanay niyang si Maria kay Mario, na parehong nakaapekto sa kanyang mana sa nasabing lupa.
Tugon ni Jimmy, ibinigay na ni Maria kay Mario ang parte niya sa lupa at hindi naman daw napuwersa si Mario noong ibigay niya ang lupa sa kanya.
Pero nagdesisyon ang RTC pabor kay Mila at pinawalang bisa pareho ang pagtakwil ni Maria ng kanyang karapatan sa lupa pabor kay Mario at ang donasyon ni Mario kay Jimmy na lupa.
Kinumpirma ito ng Court of Appeals (CA) batay sa batas ng pagbabawal sa mag-asawa na itakwil ang kanilang karapatan at parte sa mga ari-arian ng mag-asawa (Art. 89 civil code). Tama ba ang RTC at CA?
Tama sabi ng Supreme Court (SC) kahit na may bisa o walang bisa ang kasal nina Mario at Maria, ang pagsalin ng lupa kay Jimmy ay pinagbabawal ng Article 1490 Civil Code na nagsasaad na ang esposo o esposa ay bawal ipagbili ang kanilang ari-arian sa isa’t isa maliban na lang kung (1) nagkaroon na sila ng kasunduang maghiwalay ng kanilang ari-arian; (2) kung napaghiwalay na ng korte ang kanilang ari-arian (Judicial separation of property Art.191).
Kaya ang bagong titulo sa pangalan ni Jimmy ay talagang dapat ipawalambisa (Perez, Jr. vs Perez-Senerpida etc, G.R. 233365, March 24, 2021).