Kalsada, sinisira sa Capiz
Nagkukumahog na ang mga ambisyosong pulitiko rito sa Capiz para kumbinsihin ang mga botante. Kapansin-pansin dito ngayon na ang mga kalsada na may kaunting depekto o sira ay pinapalitan na ng bagong semento.
Dito sa Capiz, kaliwa’t kanan ang pagtungkab ng mga kalsada kahit hindi pa sira at maari pang magamit. Nakapagtataka na ang inirereklamo na mga proyekto sa widening ay hindi pinapansin. Parang katulad ito ng mga proyekto noong manalasa ang Bagyong Yolanda sa Capiz kung saan 85 percent ng mga kabahayan dito ay nasira.
Marami ang umasa noon na may tulong ang pamahalaan sa mga sinira ng Bagong Yolanda, subalit magpahanggang ngayon ay hindi pa ito lubusang nakakamit ng mga Capizeños. Kaya kaliwa’t kanan na naman ang pag-atake sa dating pulitiko rito sa Capiz.
Sa kasalukuyan, may umusbong ditong pulitiko na hindi naman tubong Capiz subalit walang patid ang paghatid ng tulong sa mga mahihirap na Capiznon. Nagmula umano ang angkan ng bagong pulitiko sa Pampanga. Walang tigil ang pulitiko sa panliligaw sa mga Capizeños.
Ang kakalabanin ng bagong pulitiko ay isang traditional politician nagpabaya umano sa mga biktima ng Bagyong Yolanda. Karamihan sa mga nakaupo ngayon sa local government units (LGUs) sa Capiz ay nasa ilalim ng partidong binabangga ng baguhang pulitiko.
Kahit mag-ikot kayo ngayon dito sa Capiz ang isyu na ito ang pinakamainit na pinag-uusapan.
Samantala, patuloy ang paggiba sa mga kalsada sa Capiz kahit hindi naman sira. Tiyak na may kinalaman siguro ito sa darating na eleksyon sa 2025.
- Latest