NARITO ang ilang dahilan kung bakit nakakaramdam ng pagkahilo:
1. Problema sa mata – Kung malabo na ang iyong mata, puwede kang mahilo sa pagbabasa. Kung madalas mag-computer, nakahihilo rin. Dapat ay ipahinga ang mata at tumingin sa malayo para ma-relaks ito. Magpagawa ng salamin o dili kaya’y baguhin na ang grado ng salamin.
2. Problema sa taynga – Isa pang pangkaraniwang dahilan ng pagkahilo ay ang sakit sa taynga. Nasa tainga kasi natin ang vestibular system kung saan nagmumula ang pakiramdam natin sa balanse at pag-galaw. Kung may dumi o impeksiyon sa tainga, puwede ito magdulot ng matinding pagkahilo (vertigo). Ang gamot dito ay ang meclizine 25 mg tablets (Dizitab, Bonamine). Ang ganitong hilo ay tumatagal ng mga isang buwan bago humupa.
3. Presyon ng dugo – Kung ika’y may high blood, puwede kang mahilo at manakit ang iyong batok. Kung ikaw naman ay low blood, anemic at maputla, puwede ka ring mahilo. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.
4. Nerbiyos – Ang mga nerbiyosong tao ay madalas din mahilo. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasaksi ng nakahihindik na bagay, puwede silang mahilo. Ang tawag dito ay panic attack o nerbiyos. Kailangan lang nila na magpahinga at uminom ng pampa-relax tulad ng Lexotan 1.5 mg tablet. Sa doktor lang makahihingi ng reseta nito.
5. Kulang sa oxygen – Minsan naman ay may nahihilo o nahihimatay sa isang mataong lugar tulad ng simbahan o rally. Dala ito ng matinding init at dami ng tao. Kailangan lang magpahinga, magpahangin at mawawala rin ang hilo.
6. Stroke – Ang stroke ay may matinding pagkahilo at may kasamang panghihina ng isang parte ng katawan. Agad kumunsulta sa doktor.
7. Tumor sa utak – Ito ay may kasamang pagkahilo at matinding pananakit ng ulo. Agarang magpakunsulta sa doktor.