SA librong 2034: A Novel of the Next World War nagdigmaang nuclear umano ang America at China. Sumiklab daw ito nu’ng taong 2034 sa Mischief (Panganiban) reef sa West Philippine Sea.
Binomba raw ng America ang Shanghai. Gumanti raw ang China at pinulbos ang Texas. Magwawasakan daw ang dalawang Big Powers. Nanghimasok daw ang India, na meron ding armas na nuclear, at winasak ang bombers ng America at China. Nailigtas daw ang mundo sa pagkagunaw.
Sina Adm James G. Stavridis at Elliot Ackerman ang umakda ng 2034. Bagamat kathang-isip ito, binase ang mga kaganapan sa maraming totoong sitwasyon.
Kabisado ni Admiral Stavridis ang mga sandatang nuclear. Dati kasi siyang Supreme Commander ng North Atlantic Treaty Organization sa Europe. Sumulat na siya ng 10 librong hindi likhang-isip.
Totoong napapalapit ang mundo sa digmaang nuclear. Naggigirian ang Russia at China kontra America. Tinutulungan ng Russia ang North Korea na gumawa ng sariling nuclear bomb. Gayundin ang China sa Iran.
Nanggigigil ang North Korea at Iran na durugin ang America. Tiyak naman na tutulong sa America ang Britain, France, at Israel na may nuclear bombs din.
Saan lalagay ang India? Mahirap itong suriin. Pinamumunuan ngayon ang India ng Prime Minister na ugaling autocrat. Gusto niya siya lang ang masusunod. Ang partido niya ay maka-hindu lang, at kontra Muslim at Kristiyano.
Ang problema sa digmaang nuclear ay madadamay ang mundo. Pati mga tahimik na bansa ay madudurog.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).