Matagal na kaming nakakatanggap ng request para magkaroon ng sariling columbarium ang lungsod para sa Proud Makatizens. Ito ay dahil napakamahal ng presyo ng libingan sa mga sementeryo at pribadong kolumbaryo.
Alam naman natin na limitado ang lupa sa Makati, kaya columbarium ang solusyon para mas marami ang mabigyan nang marangal at maayos na huling hantungan dito sa lungsod.
Noong nakaraang linggo, binuksan na natin ang Makati Columbarium na nasa panulukan ng Kalayaan Avenue at Nicanor Garcia St. sa Barangay Valenzuela.
Handog ng Makati Columbarium ang mga serbisyo nito sa abot-kayang halaga, habang isinusulong din ang kaligtasan, kaginhawahan at malusog na kapaligiran.
Bukod sa mas mababa ang mga presyo ng serbisyo ng columbarium kumpara sa mga presyo ng mga pribadong columbarium o crematorium sa Metro Manila, magbibigay pa ng karagdagang subsidiya ang lungsod.
Ang columbarium project ay isa na namang PPP, at ibig sabihin nito na hindi gastos lahat ng pamahalaang lungsod ang pagpapatayo at pagpapatakbo nito. Dahil dito ay puwede ring maipagbili sa hindi residente ang mga vault sa kolumbaryo, ngunit ang mga Proud Makatizen lamang ang may subsidy mula sa City Hall.
Ang Makatizens na senior citizens at persons with disability o PWD ay makakakuha ng hanggang 50 percent discount, at 25 percent naman para sa iba pang mga residente.
Ang Makati Columbarium ay nakatayo sa 4,000-square meter property na dating kinalalagyan ng Makati Catholic Cemetery. Mayroon nang dalawang gusaling naitayo rito na kumpleto at handa na para sa full operations, landscaped gardens at parking spaces.
Ready na rin ang administration building kung saan nakalagay ang administration office, main chapel, at eco-friendly crematorium. Mayroon na ring Environmental Compliance Certificate ang columbarium mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nasa bandang likuran naman ang three-story building na kinalalagyan ng columbary vaults. Sa ngayon, mayroong 14,784 vault units na available. Ang bawat vault unit ay may sukat na 30 x 30 x 50 centimeters at kasya rito ang tatlong standard size o apat na small size urns.
May tile cover ito at may pitong levels, A hanggang G.
Sa ground floor ay may walong viewing chapels, habang bawat floor ay may lobby lounge, comfort rooms, PWD lift, at common stairs.
Ready at fully operational na po ito, at sa mga susunod na buwan ay palalawigin pa natin ang columbarium upang madagdagan ang kapasidad nito.
Ang pribadong partner ng lungsod na ang magpapatayo ng mga karagdagang istruktura at maglalatag ng improvements tulad ng mga dagdag na crypts at viewing chapels, kaya wala nang pondong gagastusin ang pamahalaang lungsod.
Isa po ulit itong legacy project na iiwan ng aking administrasyon sa mga Proud Makatizen. Gusto ko pong ipabatid sa lahat na pinipilit po naming tugunan ang inyong mga request at bigyan ng solusyon ang inyong mga hinaing sa abot ng aming makakaya. Simula pa noong una, pinangarap na namin ang isang Better Makati na mas maganda, mas maginhawa, at mas ligtas para sa lahat.