Magpakatotoo sana sila sa patakaran sa bigas

Nagsasabi ba ng totoo ang mga opisyales tungkol sa bigas?

Ibinaba ng Malacañang ang taripa sa angkat na bigas sa 15% mula 35%. Makikinabang daw ang mga mamimili. Bababa raw ang presyo ng bigas sa P6-P7 kada kilo.

Mahirap paniwalaan ‘yon. Bakit? Kasi bumagsak din ang halaga ng piso kontra dolyar. Ang palitan ngayon ay P59:$1 mula sa dating P55:$1.

Ibig sabihin, dahil dolyar ang ibinabayad sa pag-angkat, mas maraming piso ang magagasta. Magiging mas mahal ang angkat na bigas. Hindi lang P4 na ibinagsak ng piso ang imamahal kada kilo, kundi P6-P7 dahil sa tubo ng money exchange.

Sa madaling salita, ang totoong balak ng opisyales ay manatili ang presyo ng bigas sa dati nang P55-P60 kada kilo. Hindi totoong magmumura ito.

Ito pa ang masaklap. Sa pagbaba ng taripa sa 15% mula 35%, mababawasan ang koleksyon ng Customs nang P20 bilyon-P22 bilyon. Sabi mismo ‘yan ni Finance Sec Ralph Recto.

Makakawawa ang mga magpapalay. Ang koleksyon kasi ng Customs mula sa angkat na bigas ay para sa Rice Com­petitiveness Enhancement Program. Subsidiya ito para sa pataba, pestisidyo, pagsaliksik, binhi, at makinaryang pang­saka, pang-ani, at pang-imbak.

Kung wala ang mga subsidiya, mananatiling hikahos ang mga magpapalay. Walang pondo para sa moderni­sasyon.

Nu’ng Halalan 2022 nangako si Bongbong Marcos ng P20 kada kilo na bigas. Maraming naniniwala. Hanggang ngayon nakanganga lang sila sa paghihintay ng “bente pesos na bigas­”. Isang dakot lang ang mabibili mo sa halagang ‘yon.

NFA

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments