EDITORYAL - Korapsiyon sa Philippine Statistics Authority
Nararapat magsagawa ng paglilinis ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanilang hanay sapagkat lumalabas na maraming nakakukuha ng valid Philippine birth certificate kapalit ng P300,000. Bukod sa birth certificate, kasama na sa P300,000 ang bayad sa passport at driver’s licence. Nangyayari ang ganitong kalakaran sa Santa Cruz, Davao del Sur. Mayroon umanong naglalakad para makakuha ng mga nabanggit na papeles at iba pang Philippine documents.
Ito ang isiniwalat ni Sen. Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng Senado noong Biyernes kaugnay pa rin sa pag-iimbestiga sa kaso ng suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Hindi naman dumalo sa pagdinig si Guo kaya ipinaaresto na siya ng Senado. Si Gatchalian ang nagbunyag na si Guo at si Go Hua Ping ay iisang tao base sa findings ng National Bureau of Investigation (NBI) na pareho ang kanilang fingerprints.
Nakababahala ang ganito na sa halagang P300,000 ay maaari nang magkaroon ng valid birth certificates ang mga dayuhan. Hindi na nakapagtataka kung bakit maraming Chinese sa bansa ngayon at lantarang nakakapagnegosyo at ang matindi pa, nakakatakbo pang mayor gaya ng ginawa ni Guo sa Bamban, Tarlac. Si Guo rin ang sinasabing may-ari ng Baofu compound kung saan nakatayo ang dalawang illegal POGOs na sinalakay noong Marso at Abril 2024. Ang compound ay nasa likod lamang ng Bamban municipal hall.
Ang pagsisiwalat ni Gatchalian na sa halagang P300,000 ay mayroon nang birth certificate at iba pang dokumento ang dayuhan, particular ang mga Chinese ay sinusuportahan naman ng isinagawang pagsisiyasat ng NBI. Ayon sa NBI, mula 2018 hanggang 2019, nasa 200 palsipikadong birth certificates ang naisyu sa Santa Cruz, Davao del Sur.
Sa mga pagdinig ng Senado ay kasamang ipinatatawag ang mga taga-PSA bilang resource person. Naging kontrobersiya kung paano nagkaroon ng birth certificate si Alice Guo na sinasabing nag-file ng late registration pero may mga kahina-hinalang entry sa birth certificate nito. Pati na rin ang mga kapatid ni Guo ay naging isyu rin ang birth certificate.
Nararapat kumilos ang pamunuan ng PSA para matigil na ang nangyayaring korapsiyon sa local civil registry kung saan ay nakakakuha ng birth certificate ang sinuman, lalo ang mga dayuhan, kapalit nang malaking halaga.
Kung hindi masusugpo ang ugat ng problemang ito, may katotohanan ang sinasabi ng mga Chinese na kawawa ang mga Pilipino sapagkat madaling masilaw sa pera. Tapalan lamang umano ng pera ay “aayusin” lahat.
- Latest