Nagbibiro lang marahil si Vice President Sara Duterte nang sabihin niyang siya ang magiging “designated survivor” at hindi na siya dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr.
Sa U.S., ang designated survivor ay itinatalaga kung ang Presidente ay may pakikipagpulong sa lahat ng opisyal, kasama ang mga constitutionally designated successors gaya ng Vice President, Senate President, House Speaker at Supreme Court Chief Justice.
Kung may maganap na malagim na insidente na maaaring ikamamatay ng Presidente at lahat ng successors, awtomatikong manunumpa ang sinumang surviving Cabinet member na designated survivor bilang Presidente.
Kaya nga survivor ang tawag sa kanya. Walang ganyang probisyon sa Saligang Batas natin kaya malamang, biro lang ang sinabi ni VP na alam ng lahat na pormal nang kumalas sa pakikipag-alyansa sa administrasyon at isa nang oposisyon. Iyan ang totoo, aminin man niya o hindi na nakumpirma lalo nang magbitiw siya bilang DepEd Secretary.
Pero mas maganda kung sinabi na lang niya na hindi na siya bahagi ng administrasyon kaya hindi na siya dadalo sa SONA imbes na kung anu-ano pang nakakatawang dahilan ang sabihin. Nakakagulo kasi ng isip ang pagsasabi ni VP na magkasundo pa sila ni BBM gayung obyus na hindi na.
At kung mag-iisip tayo nang malalim, para bang may death wish si VP sa Presidente at iba pang successors matangi sa kanya. Kasi, kahit hindi siya designated survivor, siya naman talaga ang legal na hahalili sa Presidente kung may ganyang pangyayari.
Wala naman marahil siyang ganyang iniisip pero hindi maiiwasang may mag-isip ng ganyan. Understandable naman kung hindi siya dadalo sa SONA. Rurok na ng kaipokritahan kung dadalo pa siya gayung mortal na siyang kalaban ni Junior Macoy.