MARAMING peligrong kinakaharap ang ating mga sundalo sa West Philippine Sea (WPS). May naputulan na nga ng daliri dahil sa pambu-bully ng Chinese Coast Guard (CCG). Pero may mas malalang peligro ang hinaharap ng ilan sa ating kabayan, ang mga mandaragat, partikular mga nakadestino sa mga barkong lumalayag sa Red Sea at Gulf of Aden.
Ang Red Sea ay karagatan sa gitna ng Saudi Arabia, Sudan, Egypt at iba pa. Karugtong nito ang Gulf of Aden na karagatang patungo ng Indian Ocean. Maraming barkong pangkalakal ang lumalayag sa dalawang karagatang ito dahil naghahatid ng kalakal sa mga bansang katabi. Dito rin dumadaan ang mga barko patungo sa Suez Canal para makalabas ng Mediterranean Sea patungo sa Europe. Malaking bagay ang Suez Canal para mapaikli ang pagdala ng kalakal mula Asya patungong Europe at pabalik.
Ang Gulf of Aden naman ay katabi ang Yemen na sa ngayon ay nasa gitna ng isang digmaang-sibil. Ang Houthi rebels ang may hawak ng hilagang-kanlurang bahagi ng bansa. Kaalyado ng Houthi rebels ang mga grupo tulad ng Hamas at Hezbollah na kasalukuyang lumalaban sa Israel. Dito na nalalagay sa peligro ang mga barkong lumalayag ng Red Sea at Gulf of Aden.
Magmula nang inatake ng Hamas ang Israel noong Oktubre ng nakaraang taon, sinimulan ng Houthi rebels ang pag-atake sa mga barkong pangkalakal sa Red Sea at Gulf of Aden. Ang mga inaatake nilang barko ay pag-aari umano ng Israel, U.K. at U.S. bilang pagsuporta sa Hamas.
Dito na nalalagay sa matinding peligro ang ating mga mandaragat. Halimbawa, noong Nobyembre 19, inatake at kinuha ang barkong M/V Galaxy Leader sa Red Sea na may 17 Pilipinong tripulante. Sa kasalukuyan, hawak pa rin ng mga terorista ang barko, at wala pang ibinabalik na Pilipino. Ginawa na ngang atraksyong panturista bilang insulto dahil isa sa mga may-ari ng barko ay taga-Israel.
Noong Marso 6 inatake ng mga terorista sa pamamagitan ng missile ang M/V True Confidence sa Gulf of Aden kung saan may 15 Pilipino. Dalawa sa tatlong namatay ay mga Pilipino. Labing-isa ang naibalik na sa bansa. Noong Abril 13, kinuha ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ang MSC Aries sa Strait of Hormuz. Apat ang Pilipinong tauhan, isa pa lang ang nakabalik ng bansa. Ang M/V Tutor kung saan lahat ng 22 tauhan ay mga Pilipino ang inatake noong Hunyo 12 sa Red Sea. Lumubog ito noong Hunyo 17. Dalawampu’t-isa ang nakabalik ng bansa, 1 ang nawawala. At noong Hunyo 23 ang M/V Transworld Navigator ang inatake. Pilipino rin ang lahat ng tauhan pero nakabalik na ang lahat sa bansa.
Dahil sa mga insidenteng ito, naglabas ng pahayag ang Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippine (AMOSUP) na pagkondena sa mga Houthi at hinikayat ang mga may-ari ng mga barko na umiwas na muna sa paglayag sa Red Sea at Gulf of Aden.
Kabalikat ng AMOSUP ang Seafarers Section of the International Transport Workers Federation (ITF) sa pagkondena at panawagan na umiwas sa nasabing lugar. Lumayag na raw muna paikot ng Cape of Good Hope sa South Africa habang nagaganap ang peligro.
Kung may mapa kayo ng mundo, makikita ninyo kung gaano kalayo ang paglayag na iyan mula Asya patungong Europe. Pero mas mahalaga pa rin ang buhay ng tao kaysa sa pagdala ng kalakal. May mga barkong pandigma na lumalayag na sa Gulf of Aden para bigyan ng proteksiyon ang mga barkong pangkalakal pero limitado naman ang kanilang magagawa gawa ng sitwasyong pulitikal.
Sa panig naman ng gobyerno, igigiit ng Department of Migrant Workers (DMW) ang karapatan ng mandaragat na tumangging lumayag sa peligrosong lugar tulad ng lugar na may digmaan o teroristang aktibidad. Bibigyan sila umano ng proteksiyon mula sa diskrimininasyon at “blacklisting.”
Malaking sakripisyo na nga ang pinagdadaanan ng ating mga mandaragat para maharap pa sila sa ganitong peligrosong sitwasyon. Ang Pilipinas ang siyang pinakamalaking pinagmumulan ng mandaragat sa mundo, kaya tama lang na mabigyan ng proteksyon dahil sila ang madalas nahaharap sa peligro.