Fish be with you
MAS nasisiyahan akong kumain ng isda, kaysa karne ng baka o hayop. Marami ang kagaya ko, lalo na yung mga may diprensya na sa bato na gulay at isda na lang ang puwedeng kainin.
Pero labis na mataas ngayon ang presyo ng isda lalo na yung galing sa karagatan. Higit pang mahal kaysa baboy at baka na nagkakahalaga ng Php 250 hanggang Php 300 ang kilo.
Ang mga isda gaya ng lapu-lapu, salmon, mackerel at iba pa ay pumipresyo ng Php 400 kada kilo. Ultimo galunggong na sinasabing pagkain ng mahirap ay mahal na rin. Kung gusto mo ng murang isda, magtiyaga ka sa tilapia.
Ang nalalambat kasing isda ng mga lokal na mangingisda ay umuunti dahil sa pananakot ng mga Chinese Coast Guard sa kanilang pagpunta sa mga lehitimo nating fishing grounds sa West Philippine Sea.
Kakatwa na kahit sa social media, maraming kababayang Pinoy tayo na dumedepensa pa sa China kagaya ng idolo nila na si ex-President Duterte. Pati ang pagiging kaalyado ng Pinas sa Amerika ay binabatikos.
Ngayon, kahit dati’y available sa palengke ang lokal na isda, ay imported na ito mula sa China kaya mahal.
Sa kabila nito, sinasabi ng mga bashers sa mga tumutuligsa sa China na huwag magpagamit sa paninira ng Amerika sa China. Nakakalungkot ang inuugali ng mga kababayan nating ito.
Huwag naman sanang maulit ang scenario tulad ng World War II dahil kung nagaganap ito, malamang mas marami ang mga Makapili kaysa mga gerilyang magtatanggol sa bayan.
- Latest