Ika-7 COA unmodified opinion para sa Makati!
Isa na namang proud moment para sa akin ang ikapitong unmodified opinion mula sa Commission on Audit (COA) sa isinagawang pagsusuri nito sa 2023 financial statements ng lungsod.
Ito na ang seventh straight year na nakatanggap ang Makati ng ganitong karangalan na ang ibig sabihin ay matatag at tapat ang paninindigan ng Makati sa good governance at mga tatak nito, tulad ng transparency at accountability.
Ang unmodified o unqualified opinion ay ibinibigay lamang sa mga pamahalaang lokal kapag natiyak ng auditor na ang financial statements ay naaayon sa applicable financial reporting framework.
Patunay lamang ito na ang lahat ng ating mga tanggapan at institusyon sa pamahalaang lungsod ay mahigpit na sumusunod sa mga polisiya at panuntunan ng COA sa kani-kanilang mga gawain.
Nagpapasalamat ako sa mga kapwa ko lingkod-bayan ng Makati. Dahil sa inyong kooperasyon at dedikasyon, patuloy ang maayos at walang bahid pagpapatupad ng mga programa at paghahatid ng serbisyo sa Makatizens. Sa nakaraang pitong taon, napatunayan natin na ang ating administrasyon ay malinis, patas, at tapat sa ating paglilingkod.
Malaking tulong din sa atin ang paggamit ng teknolohiya at mga inobasyon tulad ng mga online payment platforms upang makamit ang mataas na audit rating.
Ngayong taon ay ilulunsad din natin ang Accounting Information System (AIS) na lalong magpapahusay sa ating Accounting operations at makakatulong sa maayos na pamamahala.
* * *
Napirmahan na ang Memorandum of Agreement ng lungsod at ng Operation Brotherhood Community Foundation, Inc. (OBCFI) para sa pagpapatupad ng Pagsasarili Program sa mga piling barangay at resettlement areas natin.
Malapit sa puso ko ang proyektong ito dahil ang kasama dito ay ang mga tatlo hanggang apat na taong gulang na mga bata. Tuturuan sila at i-eexpose sa kasanayan sa buhay (life skills) na kailangan nila upang maging produktibong miyembro ng komunidad.
Bukod sa mga basic literacy skills ay gusto kong maging handa ang mga bata para harapin ang iba’t ibang sitwasyon na kanilang makakaharap sa kanilang paglaki. Ang mga magulang naman ay aalalayan din natin para mabalanse nila ang parenting at ang mga araw-araw na hamon ng buhay.
Ipatutupad ang programa sa 22 child development centers o day care centers sa lungsod at sa resettlement areas—isa sa Dreamland Ville, Kaypuan, San Jose Del Monte, Bulacan at isa sa Makati Homeville, Calauan, Laguna.
- Latest