Sen. Robinhood ‘humimod’ kay Digong
Better daw ang sitwasyon sa West Philippine Sea noong rehimeng Duterte. Iyan ang tahasang sinabi ni Sen. Robin Padilla na nagsabing matapang si Presidente Bongbong Marcos sa pagharap sa panliligalig ng China sa mga Pilipinong mandaragat sa ating exclusive economic zone.
Panliligalig na hindi lamang sa mga mangingisdang Pilipino kundi maging sa ating coast guard at militar. Pero dagdag ni Robinhood, hindi niya kokontrahin si Marcos dahil siya ang Pangulo at arkitekto ng ating foreign policy. Sabi pa niya, hindi panahon na kontrahin ang Pangulo pero para sa kanya, mas mapayapa ang sitwasyon nang si Digong ay Pangulo pa.
Ano yon?
Noon nga namang panahon ni Digong, mayroon ding kaso ng paninita sa mga mangingisda at kaso ng pang-aabuso. Pero walang marahas na enkuwentro ng ating mga awtoridad, walang panganganyon ng tubig at walang nasasaktan at napuputulan ng daliri. Sa kabila nga niyan ay nananatiling mahinahon at ayaw gumamit ng dahas ng Pangulo kundi pulos lang tayo note verbale at diplomatic protest. Matapang ba ‘yan?
Pero ganoon ang sitwasyon noong panahon ni Duterte dahil nagpa-tuta siya sa China. Minura-mura niya ang Presidente ng U.S. at pinuri ang leader ng China na si Xi Jingping. “I love Xi Jinping” sabi pa niya.
Natural na paboran siya ng China. Aniya pa, ang ruling ng international tribunal na nagsasabing sa atin ang karapatan sa WPS ay isa lang kapirasong papel na puwedeng ibasura.
Siya rin ang nagsabing mabuti kung magiging probinsya ng China ang Pilipinas. Hanggang ngayon hindi na siya Presidente, maliwanag pa rin ang pagkatig ni Digong sa China na pinapalakpakan pa ng kanyang mga alipores.
Lumabas si Robin bilang Andres Bonifacio sa isang historical movie. Dapat batid niya ang pag-ibig sa bayan.
- Latest