Nananatiling malaking problema ang illegal na droga sa bansa at dapat kumilos ang administrasyong Marcos laban dito. Ang war on drug ni dating President Rodrigo Duterte ay walang naidulot at naging talamak pa. Nag-iwan nang gabundok na problema sa kasalukuyang administrasyon. Inamin naman ni Duterte noon na nagkamali siya sa pagtaya na malulutas ang droga sa loob ng anim na buwan. Lumipas ang anim na taon niya sa puwesto pero ang problema sa droga ay nananatiling problema.
Sa kasalukuyan, hindi lang mga kabataan kundi pati mga propesyunal ay nahuhumaling sa paggamit ng illegal na droga. Maski ang mga matatanda ay hindi lamang gumagamit kundi nagbebenta pa. May mga lolo at lola na drug pusher. Idinadahilan ang kahirapan kaya sila nasadlak sa pagtutulak ng shabu.
Noong isang araw, ilang bus driver at konduktor ang hinuli dahil sa paggamit ng shabu. Nadiskubre ang paggamit ng shabu makaraang makita ng mga pasahero ang drug paraphernalia sa upuan ng bus. Gumagamit umano ng shabu ang driver at konduktor habang nagbibiyahe sa EDSA.
Minsan nang sinalakay ng PDEA ang mga terminal ng bus sa PITX sa Parañaque at maraming driver at konduktor ang nagpositibo sa droga. Marami sa mga driver ang nagsabi na gumagamit sila ng droga para hindi antukin sa biyahe. Ang resulta: maraming bus ang nadidisgrasya at namamatay ang mga pasahero.
Hindi lamang sa Metro Manila talamak ang pagkalat ng illegal na droga partikular ang shabu kundi pati sa probinsiya. Kahit sa liblib na lugar sa bansa ay mayroon nang illegal na droga at ginagawa nang halimaw ang mga kabataan. Ang dating tahimik na barangay ay naging magulo na dahil sa droga.
Iba’t ibang paraan, ang ginagawa para makapagpasok ng droga sa bansa. Gumagamit ang sindikato ng drug mules para maipasok ang cocaine, ecstacy at iba pang party drugs. May mga dayuhan na umuupa ng apartment sa mga eksklusibo at mayayamang village at doon niluluto ang shabu.
Panibagong modus ay ang pagpapaanod ng parcels ng shabu sa dagat at saka sasagipin ng mga kasabwat na mangingisda sa laot. Kamakailan lang may mga nasagip na parcels ng may shabu sa karagatang sakop ng La Union. Ilang taon na ang nakararaan, marami ring pakete ng shabu ang nasagip sa karagatan ng Quezon.
Noong nakaraang buwan, isang toneladang shabu ang nasabat ng mga pulis sa isang lalaki sa Alitagtag, Batangas. Ayon sa mga pulis, may mga kasabwat na dayuhan ang lalaki. Inaalam pa kung paano naipasok ang shabu sa bansa.
Paigtingin pa ng PDEA at iba pang drug enforcement agency ang pagtugis sa mga sindikato ng droga. Hindi sila dapat makahulagpos sa galamay ng batas. Iligtas ang bansa sa illegal na droga.