MAKAKAPAGBALIK-RAKET ang Pharmally at mga kasapakat sa gobyerno. Dumarami na naman ang naiimpekta ng COVID, at kasabay n’un ang pagpakyaw ng pandemic supplies. Nakakalaya pa ang mga nandambong nu’ng 2020-2021. Ni hindi nakasuhan ang mga protektor. Tila mainam magnakaw.
P12.5 bilyon ang kinulimbat ng Pharmally sa gobyerno sa loob lang ng dalawang taon. P625,000 ang kapital nu’ng 2019. Walang anumang karanasan, walang empleyado, walang opisina, walang bodega, walang sasakyan. Nalugi nang P25,550 nu’ng unang taon.
Pero may koneksyon ito sa taas. ‘Yon lang ang mahalaga.
Kompanyang Chinese ang Pharmally. Nu’ng Mar. 2020 binalatuan ito ng Procurement Service-DBM ng kontratang P7.5 bilyon.
Nag-deliver ang Pharmally ng mga palpak o pekeng face masks, face shields, personal protective equipment, thermometers at test kits. Nagsiyasat ang senado nu’ng 2021. Sa gitna ng hearings, umorder ang PS-DBM sa Pharmally ng dagdag pang P5 bilyong palsipikadong supplies.
Binalatuhan ng PS-DBM ang iba pang mga kumpanyang Chinese. Kabuuang P42 bilyon ang winaldas. Isa sa mga kumontrata ay China state firm na nagbebenta ng mga makinang pangsaka. Inetsapwera ang mga matitinong Pilipinong suppliers.
Si Chinese national Yang Hongming, alyas Michael Yang, ang nagpuhunan sa Pharmally. Special Economic Adviser siya ni President Rody Duterte mula 2018. Namamayagpag siya sa Davao City noon. Ngayon hindi na alam kung nasaan siya.
Itinalaga ni Yang sa Pharmally ang mga katotong Chinese: si Huang Tzu Yen bilang chairman, at Lin Weixiong bilang finance manager. President si Twinkle Dargani, treasurer si Mohit Dargani, at directors sina Linconn Ong at Justina Garado. Binigyan sila ng Pharmally ng mamahaling Lamborghini, Porsche at Lexus.