Isang ahas na inakalang lalaki ng mga beterinaryo ang nangitlog ng 14 kahit matagal na itong nag-iisa sa kanyang kulungan!
Noong dinala sa City of Portsmouth College ang isang Brazilian Rainbow Boa ng taong 2015, idineklara itong lalaki ng mga veterinary professors matapos itong suriin. Dahil sa pagsusuri na ito, pinangalanan ang ahas na si “Ronaldo”.
Makalipas ang ilang taon, umabot si Ronaldo sa laki na 6 feet kaya inilagay na ito sa sarili niyang kulungan. Simula noon, dalawang taon na siyang nag-iisa at kahit kailan ay wala siyang nakakasalamuha na ibang ahas.
Nitong nakaraang linggo, nagsagawa ng routine vivarium check ang mga estudyante nang makitang may mga maliliit na ahas sa kulungan ni Ronaldo. Nang nireport ito ng estudyante sa kanyang mga professor, hindi agad ito pinaniwalaan dahil ang alam ng lahat ay lalaki si Ronaldo.
Ngunit nang inspeksyunin ito ng animal care technician na si Amanda McLeod, nagulat ito na may 14 na baby na ahas na kasama si Ronaldo. Doon napag-alaman na babae pala ito at nangitlog ito kahit walang ka-partner. Ayon sa mga estudyante ng Portsmouth College, napansin na nila na tumaba si Ronaldo pero dahil ang akala nila ay lalaki ito, hindi nila naisip na buntis ito at inisip nila na busog lamang sa pagkain.
Sa panayam sa reptile specialist ng Portsmouth College na si Peter Quinlan, sinabi nito na ang nangyaring “virgin birth” ni Ronaldo ay tinatawag na “parthenogenesis”. Ito ay isang rare na uri ng asexual reproduction kung saan ang embryos ay nadedebelop nang hindi kinakailangan ng fertilization mula sa sperm cell.
Ang mga hayop na posibleng makaranas ng Parthenogenesis ay mga ahas, butiki, stingray, Komodo dragon at hammerhead sharks. Ayon kay Quinlan, sa 50 taon na pag-aaral niya sa mga ahas, ngayon lamang siya nakakita sa personal ng ganitong kaso. Sa buong mundo, tatlong beses lang nakapagdokumento ng Parthenogenesis sa mga species na tulad ni Ronaldo.
Hindi ito ang unang kaso ng parthenogenesis o virgin birth sa mga hayop ngayong 2024. Noong nakaraang Pebrero 2024, isang stingray o pagi na nagngangalang Charlotte sa North Carolina, U.S.A, ang nanganak kahit matagal na itong nag-iisa sa kanyang aquarium.