Isa na namang makasaysayang pagkilos ang ginawa ng lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa kapakanan ng mga transgender at gender-diverse community.
Pumasok tayo sa isang kasunduan sa TLF Share Collective, isang kilalang community-led human rights at HIV response civil society organization (CSO), para makapagsimula ng mga programa para sa mga nasabing grupo.
Kasama nating pumirma sa memorandum of understanding si TLF Share Collective Executive Director Tacing Marasigan, na hudyat ng simula ng paghahatid ng transgender-specific health service sa bansa.
Bahagi pa rin ito ng ating mga pagkilos kaugnay ng pagdiriwang ng Pride Month at ika-85 anibersaryo ng Lungsod Quezon.
Sa partnership na ito, lalo pang pinagtibay ng Quezon City ang dedikasyon nitong maisulong ang transgender health at rights services, at mapatibay ang papel nito bilang lider pagdating sa progresibong uri ng pamamahala na walang sektor ang maiiwan.
Layunin din ng pagkilos na ito na tugunan ang mga partikular na pangangailangang pangkalusugan ng LGBTQIA+ sector.
Sa ilalim ng Strategic Trans* Health Access to Resources and Services in Quezon City o QC STARS magiging mas pinalakas at pinalawak ang transgender health program ng lungsod.
Kabilang dito ang trans* health education; gender-affirming primary care; sexual health services; HIV prevention; treatment and care; referral sa transgender support groups; at referral sa mental health services.
Sa tulong ng bago nating programa, mas magiging madali na para sa transgender individuals na magkaroon ng access sa kailangan nilang serbisyong pangkalusugan.