Ang fingerprints sa passport ng isang Chinese businesswoman na si Guo Hua Ping at ang kay Bamban Mayor Alice Guo ay magkapareho. Iyan ang findings sa pagsusuri na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).
Alam kong ibang kaso ni suspendidong Mayor Guo ang hawak ng kanyang mga abogado, pero kung saka-sakali, ano kaya ang magiging depensa nila sa ebidensyang Ito? Kung pekeng Pinoy si Guo at may maitim na balak para sa China ang taong ito, bilang makabayang Pilipino ay magbibitiw na lang ako, kung ako ay kanyang abogado.
Mantakin n’yo na ayon sa mga magkakaugnay na ebidensya, lumulutang ang malaking posibilidad na siya nga ay isang espiya ng China. Tapos, nangungunang personahe pa siya sa operasyon ng illegal na POGO. At ang POGO ay lumalabas na paraan ng China upang magpasok ng mga mandirigmang Tsino sa bansa!
Batid kong tungkulin ng abogado ang magtanggol ng sinuman. Pero sa kaso na kapwa mo Pilipino at buong bansa ang nasa panganib—dapat prayoridad ang pag-ibig sa bansa.
Lumiliit na ang daigdig ni Guo at bumibigat ang ebidensiya na hindi siya tunay na Pilipino kundi peke na nagawa pang kumandidato at manalo bilang mayor ng Bamban, Tarlac. Hindi puwedeng magsinungaling ang fingerprints.
Ang sinumang nakipagsabwatan sa mga gawain niya, pati ang mga Pilipinong nasuhulan para makakuha ng Pilipino citizenship ay dapat papanagutin sa batas. Para sa akin, bagamat pera-pera lang ang dahilan, ito’y kataksilan sa Inang Bayan.