Isang lalaki sa Austria na nakaranas ng walang tigil na pagkati ng lalamunan ang hindi makapaniwala nang malaman na may tumutubong buhok dito!
Inilathala kamakailan ng American Journal of Case Reports ang weird na medical case na nagsimulang idokumento noong 2007. Tungkol ito sa isang lalaki kung saan nakararanas ito nang matinding pag-ubo, pamamalat ng boses, hirap sa paghinga at pangangati ng lalamunan.
Ang akala nito ay dahil ito sa kanyang pagiging chainsmoker. Nang nagpatingin ito sa isang ENT doctor at sumailalim sa bronchoscopy, nakita na may anim hanggang siyam na hibla ng buhok sa lalamunan nito at humahaba ito at umaabot hanggang sa bibig.
Dahil sa findings mula sa bronchoscopy, na-diagnose ang pasyente na mayroong endotracheal hair growth, isang hindi pangkaraniwang karamdaman kung saan may tumutubong buhok sa lalamunan.
Napansin ng mga doktor nito na ang bahagi ng lalamunan ng pasyente na tinutubuan ng buhok ay naoperahan na dati. Nang tinanong ang pasyente kung ano ang nangyari rito, sinabi nito na noong siya ay 10-anyos, muntik na siyang mamatay sa pagkalunod habang nasa outing. Naging kritikal ang kanyang kondisyon at kinailangang isailalim siya sa tracheotomy para mag-stabilize ang kanyang paghinga.
Ang tracheotomy ay isang medical procedure kung saan gumagawa ng butas (stoma) sa trachea (windpipe) upang magbigay ng daanan para sa hangin. Karaniwang ginagawa ito kapag ang normal na daanan ng hangin ay may bara o hindi gumagana nang maayos.
Pagkatapos ng tracheotomy, kumuha ng balat at cartilage mula sa taynga ng pasyente para gamitin ito sa skin transplant na gagamitin upang magsara ang sugat mula sa operasyon. Ngunit matapos ang ilang taon, nagsimula nang makaranas ng walang tigil na pag-ubo ang pasyente.
Nang malaman ang medical history nito, nagkaroon ng hinala ang mga doktor na ang dahilan ng pagtubo ng buhok ay ang skin transplant ng pasyente. Upang mawala ang mga buhok, binubunot ito isa-isa ng doktor. Ngunit pansamantalang lunas lamang ito dahil tumutubo rin ito kaya isang beses sa isang taon ay bumabalik ang pasyente sa ospital para ipatanggal ito.
Taon 2022, nagkaroon ng lunas ang problema ng pasyente nang maisipan nitong itigil na ang paninigarilyo. Dahil sa pagtigil na ito, maaari na siyang sumailalim sa endoscopic argon plasma coagulation, isang procedure kung saan susunugin ang ugat ng mga buhok sa lalamunan. Pagkatapos ng dalawang session nito, tuluyan nang tumigil ang pagtubo ng mga buhok sa lalamunan ng pasyente.