Pumuporma na para sa Halalan 2025 ang mga mambabatas. Sa Oct. 2024 pa ang pagpapatala ng kandidatura. Pero ngayon pa lang ay namumulitika na sila.
Abala ang super majority ng kamara de representantes sa pag-imbestiga sa dating administrasyon. Inuulirat nila ang lihim na kasunduan ni dating President Rody Duterte sa Beijing. Pumayag umano siya na huwag kumpunihin ang BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal. Pagsuko raw ito ng soberenya ng Pilipinas, dahil kung gumuho ang barko ng Navy ay aagawin ng China ang bahura.
Animo’y makabayan ang mga kongresista. Pero sa totoo’y sumusunod lang sila sa kumpas ng liderato ng kamara. Kontra kina Rody at VP Sara Duterte ang lideratong ito. Nanghihingi lang ang super majority ng perang pangkampanya sa kani-kanilang distrito.
Baliktad sa Senado. Doon si President Bongbong Marcos naman ang iniimbestiga. Inuulirat ang umano’y pagka-adik niya sa cocaine. Senadores na maka-Duterte ang namumuno sa siyasat. (Napalitan tuloy ang liderato ng Senado. Hindi sumunod sa kagustuhan ng Malacañang.)
Pambansa ang mga botante ng senadores. Pinaka-popular na Cabinet member si VP Sara bilang Secretary of Education. Pinaka-popular din siyang kandidato sa Panguluhan sa 2028. Kaya kumakapit sa kanya ang re-electionist senators.
Sa isang isyu lang nagkakaisa ang mga kongresista at senador. Ito’y ang pagpapanatili sa poder ng kani-kanilang political dynasties. Nagbubulag-bulagan sila sa probisyon ng Konstitusyon kontra dynasties. Nagbibingi-bingihan sa mga panawagan na naisabatas ang paglimita sa dynasties.
Mas masaklap, walang kibo ang maraming botante. Naghihintay lang na ibenta ang mga boto sa Mayo 2025. Hindi nila mabatid na dynasties ang dahilan kaya nananatili silang mahirap at mapurol.