MAY depinisyon ang political dynasties. Nilabas ito sa ilang panukalang batas sa kongreso. Itinaguyod ito ng 2018 Consultative Commission na nagrepaso ng 1987 Constitution, sa ilalim ni ex-chief Justice Reynato Puno. Limampung eksperto ang kasapi ng Commission.
Anila, nagkakaroon ng dynasty dahil sa sabay-sabay o sunud-sunod na paghalal sa mga malalapit na magkakamag-anak. Nangyayari ito sa kongreso, probinsya, siyudad, at munisipalidad.
Hanggang second degree of consanguinity (kadugo) at affinity (sa kasal) ang depinisyon ng dynasty. Saklaw nito ang mag-asawa (pati kabit), magulang, biyenan, anak, manugang, kapatid, bayaw, hipag, lolo’t lola, at apo.
Ibinasura ni President Rody Duterte ang produkto ng itinatag niyang Consultative Commission. Ayaw niyang buwagin ang sariling dynasty. Pinanatili sa pambansa at lokal na puwesto ang tatlong anak na sina Paolo, Sara, at Sebastian.
Nu’ng 2022 nahalal na pangulo si Bongbong Marcos. Kasabay nu’n naging congressman ang panganay na anak na si Sandro. Nauna nang tatlong taon nag-senador ang kapatid na Aimee.
Nu’ng 2022 din nahalal sa senado ang dalawang mag-ina, dalawang magkapatid na buo, at dalawang magkapatid sa ama. Meron silang mga kadugo o asawa sa mga distrito at lungsod.
Sa ganyang sitwasyon, maaasahan bang magsabatas sila kontra dynasties? Lalabanan ba nila ang pansariling interes at kabuhayan?
Anang mga dynasts, nahalal sila nang malaya at demokratiko. Sagot ng mga kritiko, ‘yun ay dahil walang matinong kumadidato laban sa kanila. Aksaya lang ng pera at panahon na kumampanya kontra dynasts na kayang bumili ng libu-libong botante.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).