Nakadidismaya ang performance ng mga Pilipinong estudyante na may edad 15 sa creative thinking kumpara sa mga estudyante sa ibang bansa. Nakita ang kahinaan ng mga Pilipino sa 2022 cycle ng Programme for International Student Assessment (PISA). Sinusukat dito ang paggawa, pagsusuri at paglikha ng mga orihinal na ideya na isasalin sa mga epektibong solusyon. Sa iskor na 14, ang Pilipinas ay nasa ika-60 rank sa may 62 mga bansa na sumali sa assessment. Ayon sa PISA, ang mga estudyante sa Pilipinas ay kabilang sa may lowest performance sa creative thinking.
Pero hindi lamang dito kulelat ang mga Pilipino. Sa 2024 World Competitiveness Ranking na inihanda ng International Institute for Management Development (IMD) na nakabase sa Switzerland, nasa ika-52 puwesto ang Pilipinas sa may 67 bansa. Walang pagbabago at mahina ang performance.
Nakadidismaya rin ang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino sa larangan ng Math, Science at Reading kumpara sa mga estudyante sa ibang bansa. Ang mga estudyanteng Pilipino ay nakakuha lamang ng 355 points sa math, 356 sa science at 347 sa reading. Para makapasa, kailangang ang score ay: 472 sa math; 485 sa science at 476 sa reading. Masyadong mababa ang nakuha ng mga Pilipinong estudyante kumpara sa mga estudyante ng Singapore, Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, Japan, Korea at Chinese Taipei na mataas ang nakuhang puntos.
Kamakailan, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA), na 11-milyong kabataan ang hindi pumapasok sa eskuwelahan o nag-aaral. Ayon sa PSA, 51.4 percent ng hindi pumapasok sa paaralan ay kalalakihan, habang ang natitirang 48.6 percent ay mga kababaihan.
Sa isang report, maraming Grade 2 students ang hindi marunong sumulat at bumasa. Dumami umano ang mga batang “no read, no write” habang may pandemya at naging online ang mode ng pagtuturo. Marami umano sa mga hindi makabasa at makasulat ay walang access sa online teaching. Wala silang computer, tablet at iba pang gadget. Hindi naman sila magabayan ng kanilang ng kanilang mga magulang na abala sa paghahanapbuhay.
Nakababahala ang kahinaan ng mga estudyanteng Pinoy na napag-iiwanan ng mga estudyante sa ibang bansa. Ang Department of Education (DepEd) ay nararapat kumilos para maging competitive ang mga estudyante. Kailangan ng isang mahusay na DepEd secretary upang magkaroon ng pagbabago at mapaunlad ang kaalaman ng mga bata. Hindi dapat mapag-iwanan ang mga batang Pinoy sa larangan ng edukasyon.