HINDI matatawaran ang sipag na ipinamalas ni Benguet Congressman Eric Go Yap sa paghahagilap ng pondo para sa Benguet General Hospital and Medical Center (BeGH) at iba pang mga pampublikong ospital at klinika sa probinsiya.
Dati P10 milyon lamang ang dumadating na pondo sa BeGH kada taon, pero noong 2023, umabot sa P248.5-M ang natanggap ng BeGH at iba pang mga pampublikong ospital.
One hundred percent ang utilization rate ng mga pondong Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP).
Sa anim na probinsya ng Cordillera Administrative Region (CAR), nanguna ang Benguet na may P248,574,184.36 sa allocated funds ng MAIFIP; Kalinga, P119,000,000.00; Ifugao, P56,025,000.00; Mt. Province, P34,318,761.00; Apayao, P29,000,000.00; Baguio City, P19,549,554.00; at Abra, P14,000,000.00.
Natatamasa ng mamamayan ng Benguet ang pagkukumahog ni Congressman EGY upang maghagilap ng pondo para sa kanyang mga kababayan. Bilang patunay, noong 2023, umabot sa 87,456 ang pasyenteng naalalayan ng serbisyong medical sa BeGH at iba pang pampublikong ospital sa probinsiya. Malayo ang agwat sa 11,312 pasyente sa Kalinga; 7,331 sa Apayao; 7,267 sa Mt. Province; 3,337 sa Abra; 2,874 sa Ifugao at 141 sa Baguio City.
Ngayong 2024, umabot na sa P83.9 milyon ang nailaan mula sa MAIFIP para sa Benguet; Kalinga, P43.15 milyon; Mt. Province, P24.77; at Abra, P29,800.00.
Dahil sa mga natanggap na mga pondo para sa serbisyong pangkalusugan mula sa kasipagan ni EGY, ipinagmamalaki ng Benguet na tumaas din ang kita ng mga pampublikong ospital sa probinsya. Nagtamasa rin ng sapat na benepisyo ang libu-libong health workers na noon ay napapabayaan na.
Mayroon na ring mga ipon ang mga pampublikong ospital upang makapagpatayo ng bagong gusali o makabili ng mga makabagong makinarya at gamit sa mga ospital na ito upang lalo pang mapabuti ang serbisyo sa mamamayan.
* * *
Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com