Matindi ang panawagan ngayon na ipatigil na ng pamahalaan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil sa mga krimen na nauugnay dito. Maraming senador ang nagsabi na nararapat nang suspindihin ang POGO operations sapagkat talamak na ang mga nangyayaring krimen at banta rin sa seguridad ng bansa. Ayon pa sa mga senador, hindi naman nakakatulong sa ekonomiya ang POGO sapagkat karamihan sa mga ito ay hindi nagbabayad ng buwis.
Maski sa House of Representatives ay marami na ring mambabatas ang nagsabing dapat nang itigil ang POGOs. May naghain na panukalang batas na nagpapatigil sa POGO sa bansa. Mga POGO lamang umano ang kumikita at hindi ang kaban ng bansa.
Nagsimula ang POGO noong 2017 sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte. Inaprubahan naman ng mga senador ang POGO. Sabi ni dating President Duterte, nakatitiyak siya na makatutulong sa bansa ang POGO. Ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nagbigay ng lisensiya sa mga POGO.
Pero nag-iba na ang panawagan ng mga mambabatas at gusto na nilang ipatigil ang POGOs. Ito ay kasunod ng mga nangyaring pagsalakay sa mga illegal POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga. Hindi na online gaming ang ginagawa ng POGOs kundi iba’t ibang scams—crypto currency scam, love scam, investment scam at pati na human trafficking at prostitution.
Pumalag naman ang PAGCOR sa panawagang buwagin ang POGOs. Malaki umano ang kinikita nito—P20 bilyon taun-taon! Sabi pa ng PAGCOR, kapag binuwag ang POGOs, magsusulputan pang lalo ang mga illegal POGOs at lalong magkakaroon ng krimen. Hindi umano pagbuwag sa POGOs ang solusyon sa problema.
Sabi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na 22,000 Pinoy ang mawawalan ng trabaho kapag binuwag ang POGOs. Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, malaking problema kapag binuwag ang POGOs. Hindi raw dapat isara ang mga lehitimong kompanya ng POGO. Maraming legal POGOs sa National Capital Region na ang naka-empleyo ay Pinoy.
Alin ba ang mahalaga, malaking kita o katiwasayan ng bansa? Aanhin ang P20 bilyon na kikitain kung batbat ng mga problema ang bansa at may panganib pa sa pambansang seguridad? Dapat mag-isip ang PAGCOR at DOLE.