EDITORYAL — Ibawal ang vape
PANUKALA ng isang doktor na maitaas sa 25 ang legal vaping age mula sa 18. Ito ay para mapangalagaan ang mga menor-de-edad sa pagkahumaling sa vape o e-cigarette. Ayon kay Dr. Maricar Limpin, kung itataas sa 25-anyos ang gagamit ng vape, may sapat na itong kaisipan para magpasya kung masama ba sa kalusugan ang paggamit ng vape. Sa edad na 25, may kakayahan na umano ang indibidwal na kontrolin ang sarili kung magpapatuloy sa bisyong pagbi-vape.
Bagama’t may punto ang dating presidente ng Philippine College of Chest Physicians, mas maganda sana kung inirekomenda niya na tuluyan nang ibawal ang vape. Bilang manggagamot, mas marami ang masisiyahan—partikular ang mga magulang kung hihikayatin niya ang pamahalaan na tuluyang ibawal ang vape. Maraming magulang ang nababahala sa maagang pagkahumaling ng kanilang mga anak sa vape. Sa kasalukuyan, may mga kabataang edad 12 ang sugapa na sa pagbi-vape. Paglabas nila sa school, deretso sila sa vape shop na malapit lamang sa paaralan.
Masama sa kalusugan ang paggamit ng vape. Ayon sa Department of Health (DOH) may taglay itong nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na mapanganib sa baga at puso. Posibleng atakehin sa puso ang gumagamit ng vape gaya nang nangyari sa isang 22-anyos na lalaki na namatay noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, ito ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay kaugnay sa paggamit ng vape.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, inatake sa puso ang lalaki at isinugod sa ospital noong 2023. Nagkaroon umano ng matinding pinsala sa baga ang lalaki na nauugnay sa kanyang pang-araw-araw na paggamit ng vape. Dalawang arteries din sa puso nito ang nabarahan. Ayon pa kay Domingo, ang vaping ay nagiging dahilan ng acute myocardial infarction at stroke. Sa naidokumentong history ng biktima, dumanas ito ng dalawang araw na pananakit ng dibdib.
Dalawang kaso pa na may kaugnayan sa vape ang naitala. Una ay ang 16-anyos na babae sa Western Visayas nagkasakit sa baga. Nakuha niya ang sakit dahil ang mga kasama niya sa bahay ay gumagamit ng vape.
Ang ikalawang kaso ay ang 22-anyos na lalaking taga-Alabang na nagkasakit din sa baga dahil sa araw-araw na pagbi-vape. Bago siya lumipat sa vape ay dati na siyang naninigarilyo.
Mga doktor at iba pang health advocates ang magsulong na tuluyan nang ibawal ang vape. Hindi ang pagpapataas sa legal vaping age ang nararapat para makontrol ang kabataan sa pagbi-vape kundi ang total na pagbabawal dito. Kung ipagbabawal nang tuluyan, makakatiyak na maililigtas sa kamatayan ang mga kabataan.
- Latest