Malaki ang pagkakaiba ng mga ama noon at ngayon. Ang mga ama ngayon ay nahaharap sa iba't ibang klase ng hamon bunsod na rin ng mga pagbabago sa kanilang mga responsibilidad na umuusbong naman sa nagbabago ring mga pamantayang panlipunan.
Isa sa mga pagbabagong ito ay nagmumula sa mga isyu ng pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian sa loob mismo ng tahanan. Lipas na ang mga panahon kung saan nananatili sa bahay ang mga babae habang ginagampanan ng lalaki ang tungkulin bilang nag-iisang breadwinner. Bilang isang lipunan, karamihan sa atin ay tinanggap na ito bilang positibong pagbabago sa ating mga tahanan. Kasama kami riyan ni Nonong. At sa pagpupursige naming dalawa sa mga sarilli naming career, nangangahulugang kailangan ng mga mag-asawang gaya namin na magkaroon ng magandang work-life balance.
Mga hamon ng pagiging tatay
Kailangang malaman ng isang mabuting amang kung paano hanapin ang balanse sa trabaho at pamilya. Hindi niya dapat hayaang mahuli ang kanyang pamilya. Bilang isang media professional na marami ring pinagkakaabalahan, batid ko kung gaano kahirap balansehin ang career at responsibilidad sa pamilya.
Nagpapasalamat akong pareho kami ni Nonong na binibigyang prayoridad ang aming pagiging magulang. Lagi naming inilalagay sa aming isipan kung gaano kahalaga at hindi mapapalitan ang aming pagbubuklod bilang isang pamilya.
Ang pagiging responsableng ama ay mahalaga para sa maayos na paghubog at pag-aalaga sa ating mga anak. Napatunayan na ng mga pag-aaral na kapag matibay ang relasyon ng mga bata sa kanilang mga ama, maganda ang performance ng mga anak pagdating sa pag-aaral, nagpapakita sila ng emotional intelligence, at sa kanilang sariling pagpapamilya ay nagiging mas mahusay pa silang mga magulang.
Masuwerte akong magkaroon ng isang Nonong, isang maasahan at tapat na ama sa aming tatlong pinakamamahal na anak na babae. Bilang kanyang misis, personal kong nasaksihan ang iba pang mga hadlang na kinakaharap ng mga tatay ngayon. Kaya importanteng magkaroon ng panahong tulad ng Father's Day para tulungan silang mag-recharge.
Ang aming sweet Swiss adventure
Mahalaga ang pag-aalaga sa sarili o self-care, lalo na para sa mga ama, upang sila’y makapag-recharge at manatiling inspirado sa kabila ng napakatinding hamon na kinakaharap nila. Ang pagbibigay-prayoridad sa self-care ay nagbibigay-daan din sa isang positibong kapaligiran para sa kanilang sarili at sa buong pamilya.
Ang pagbiyahe ang isa sa mga paraan para mag-recharge. Kakaiba ang mag-adventure kasama ang iyong pamilya at maranasan ang mga bagay nang magkakasama sa unang pagkakataon.
Ang aming pinakahuling biyahe sa Switzerland ay matatawag na magical at hindi makalilimutan. Ilang linggo pagkatapos naming bumalik, naaalala ko pa rin kung paano lumiwanag ang mga mukha ng aking mga anak nang makita nila ang snow at isang winter wonderland -- sa kalagitnaan ng Mayo!
Ito ang una naming pagpunta sa Switzerland at unang beses na makaranas ng snow. Kaya ang pinakatampok sa biyahe ay kung gaano kami kasaya gawin ang aming pinakaunang snowman bilang isang pamilya. Nawala ang aming pagod ni Nonong habang pinanonood namin ang aming mga anak na naglalaro sa niyebe.
Sinulit namin ang klima ng Switzerland! Kami ay nag-snow tubing, sledding at bumaba sa banayad na mga dalisdis gamit ang snowmobile.
Siyempre, hindi kumpleto ang biyahe kung wala ang main attractions --- ang Matterhorn Mountain; ang Schilthorn summit ng Bernese Alps; at ang Great Aletsch Glacier, kung saan namangha ang aming buong pamilya sa napakalawak na glacial landscape (Abangan ang aming espesyal na episode sa Switzerland sa Pamilya Talk).
Ang mga paglalakbay tulad nito ay palaging nagbibigay ng pagkakataon sa mga pamilya na magkaroon ng mas malalim na pananaw tungkol sa isa't isa. Sa sitwasyong ito, naniniwala akong ang aming mga anak ay nagkaroon ng mas malaking pagpapahalaga sa kanilang ama na sa buong pasensiyang nag-asikaso ng aming mga gamit at nag-ayos ng aming mga aktibidad.
Pagkakataon para sa mas malalim na koneksyon at mas matatag na ugnayan ng pamilya
Mas malaki ang mga hamon na kinakaharap ng mga modernong ama. Kaya ang mga okasyon tulad ng ipinagdiriwang natin ngayong weekend ay isa sa mga pinakamagandang pagkakataon para mapasalamatan ang pinakamahalagang lalaki sa ating buhay.
Happy Father's Day sa lahat ng mga kahanga-hangang tatay diyan! Tandaan ang napakalaking epekto mo sa buhay ng iyong mga anak. Mabilis lumipas ang panahon at mabilis lumaki ang mga bata, kaya pahalagahan ang bawat sandali at dapat palagi kayong naririyan. Ang iyong pagmamahal, patnubay, at lakas ang humuhubog sa kanilang kinabukasan sa mga paraang hindi mo inaakala!
---
Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook at YouTube (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). Sundan din ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter. Ipadala ang inyong mga suhestiyon at kuwento sa editorial@jingcastaneda.ph.