AYAW tumupad ng Comelec sa pangakong bilangin ang mga piling balota nu’ng Halalan 2022. Tila naghihintay ito na mandandohin sila ng Korte Suprema na maging tapat sa salita.
Dumulog sa Korte si dating information-communications technology secretary Eliseo Rio nu’ng Abril 30. Hiling niya na obligahin ang Comelec na sumunod sa sariling desisyon.
Nobyembre 2023 pa nag-en banc ruling ang Comelec chairman at anim na commissioners. Anila muling bibilangin ang mga balota sa isa hanggang limang presinto bawat 17 rehiyon. Ito’y para patunayan daw na malinis ang halalan para Pangulo, VP at mga senador. Kinukwestyon kasi ni Rio ang kahinahinalang mga resulta:
Mahigit 20 milyon boto para Pangulo ang bumulwak isang oras pa lang mula pagsara ng mga presinto. Galing ‘yon sa 39,000 vote counting machines o 36.8% ng mga balota. Sobrang bilis, maski dapat muna tapusin ng Boards of Election Inspectors ang siyam na tungkulin sa bawat presinto. Kasama ang mabagal na printing ng election returns.
51% ng resulta ay galing sa IP address 192.168.0.2. Pribadong Internet Protocol ‘yon, labag sa 2008 Automated Election Systems Law. Ani chairman George Garcia ay Globe ang gumamit ng IP 192.168.0.2. Pero wala ‘yon sa logs ng Globe o Smart na pinaskel sa Comelec website.
Anang Comelec, pinakamabilis ang bilangan nu’ng Halalan 2022 kasi tatlong telcos ang sumali. Pero inamin kamakailan ni Garcia na hindi pala lumahok ang DITO; Globe at Smart lang ang nag-transmit.
Sa lahat ng dating halalan, mas maraming boto ang Top 3 senadores. Ito’y dahil isang Pangulo at isang VP lang ang maaring ihalal, pero puwede pumili ng 12 senador. Nu’ng 2022 mas mataas ang boto nina Bongbong Marcos at Sara Duterte kaysa kina Robin Padilla, Loren Legarda at Raffy Tulfo. Bakit nagkaganoon?
Masasagot lang ‘yan ng muling pagbilang ng mga piling balota.