Benguet Corp. inuubos ang mineral sa Itogon

MAG-IISANG buwan na ang barikada ng small-scale miners ng Dontog-Manganese Pocket Miners Association (DOMAPMA) laban sa Benguet Corporation, Inc. (BCI) sa Sitio Dalicno, Bgy. Ampucao, Itogon, Benguet.

Iginigiit ng small-scale miners ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan laban sa pangangamkam ng BCI sa mga natitira pang mineralized areas na hindi naman kasama sa mining patent nito.

Gustong ubusin o sairin ng BCI ang maari pa nilang minahin na ginto sa kabila na nakapag-operate na sila ng 103 taon sa Itogon. 

Ayon sa small-scale miners, kinasabwat ng BCI ang Mines and Geosciences Bureau at Benguet Provincial Mining Regulatory Board na kunwa’y regulasyon at ­pangangalaga sa kalikasan na dulot ng pocket miners ng DOMAPMA upang tuluyan silang mapalayas.

Hindi mahalaga sa BCI kung may magugutom at mamamatay na 500 hanggang 1,000 small-scale miners at pamilya kapag nawalan ng ikinabubuhay.

Sinubukan umanong ilusot ng BCI ang Application Production Sharing Agreement 105 (APSA 105) nito na sumasaklaw sa minimina ng DOMAPMA at ilang bahagi ng Bgys. Ampucao at Virac sa pakikisabwatan sa ahensiya ng pamahalaan. Nais ng BCI na ituluy-tuloy ang proseso tungo sa Special Mining Permit at pagpayag ng mga apektadong katutubo sa lugar.

 Ang tunggalian sa Sitio Dalicno, Ampucao at karatig na mga pamayanan sa Itogon ay taliwas sa kapapasa lamang na batas ni President Marcos Jr. na Republic Act 11995 o ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Act.

Isinasaad ng RA 11995 ang masusing accounting sa lahat ng natural na kayamanan ng bansa, kasama ang minerals, upang basehan ng pagbabalangkas ng mga polisiya upang suportahan ang pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Kung sinasaid ang minerals ng isang lugar, magluluwal pa ba ito ng kaunlaran para sa mga susunod pang henerasyon?

Nananatili namang malaking katanungan ang hindi pag-rehabilitate ng open pit mines ng BCI sa Itogon. Karima-rimarim ang bakas ng pagpapasasa nila sa kapaligiran sa ngalan ng kikitaing pera.

* * *

Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments