Suspendido
KUMILOS na ang Ombudsman laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Sinuspinde ng anim na buwan na walang sahod ang mayor, business permit at licensing officer Edwin Ocampo at municipal legal officer Adenn Sigua dahil sa reklamong administratibo na isinampa ng DILG.
Ang reklamo ay “grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty and conduct prejudicial to the best interest of the service.” Mabibigat na akusasyon. Pero para kay Ombudsman Samuel Martires, malakas ang ebidensiya laban sa kanila kaya ipinataw ang suspension habang patuloy ang imbestigasyon sa misteryosang Guo.
Kayang-kaya naman ni Guo ang anim na buwang walang sahod mula sa gobyerno at napakayaman naman ng taong ito. Ayon sa kanyang SALN, nasa P300 milyon ang kanyang kayamanan. Pinabulaanan nga ang pahayag ni Guo na siya ay simpleng tao lang.
Ang simpleng tao ay walang helicopter at 16 na sasakyan, ani Sen. Sherwin Gatchalian. Kahit sabihin pa ni Guo na ibinenta na raw niya ang helicopter at karamihan ng mga sasakyan, hindi puwedeng sabihin na simpleng tao.
Pero ang mas importanteng maungkat pa rin ang tunay na pagkakakilanlan ni Guo. Hindi pa rin mapagtahi-tahi ni Guo ang kanyang mga pahayag hinggil sa kanyang nakaraan. Isa na rin itong dahilan kung bakit sinuspinde. Inaalam kung siya ay isang mamamayang Pilipino o Tsino.
Napakaraming tanong na hindi maisagot o kaya’y hindi pare-pareho ang sagot. Inakusahan na nga siyang sinungaling. Naniniwala rin ang mga senador na malakas ang kanyang koneksiyon sa mga POGO na na-raid sa loob ng Baofu compound na nasa likod lang ng munisipyo ng Bamban.
Pero sa tingin ko, dapat na ring maimbestigahan kung paano siya naging kandidato at nahalal pa bilang mayor ng Bamban. Ayon kay Guo, tinulungan siya ng mga kaibigan at nakaraang administrasyon. Hindi ba dapat isama sila sa imbestigasyon? Maraming nagsasabi na bigla na lang lumutang ang kanyang pangalan noong eleksiyon. Ang masasabi ko naman ay bakit siya binoto kung hindi siya kilala? May nag-endorso bang makapangyarihang tao kaya siya nanalo?
- Latest