SIMPATIYA? Ito ang unang publikong pahayag ni Gerarrd Raymond Yu, ang suspek na bumaril at pumatay kay Aniceto Mateo sa EDSA dahil sa road rage. Mabuting tao raw siya, hindi raw siya masama. Huwag daw siyang husgahan kaagad.
Hindi ko maisulat ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya. Hindi man lang humingi ng patawad sa napatay niya, pati na rin sa mga muntik na niyang mapatay kabilang ang menor-de-edad na kasusundo pa lang mula sa paaralan. Kung humihingi pala ng simpatiya at huwag siyang husgahan, tila umamin na rin na siya nga ang bumaril at pumatay kay Mateo, hindi ba?
Nagpapalusot pa na nasa Iloilo raw siya pero batay sa imbestigasyon nakabalik na siya nang maganap ang insidente. Napakadali namang malaman iyan. At napakaraming ebidensiya laban sa kanya. Nang arestuhin sa Pasig, naroon ang itim na Mercedes. Napansin na iba ang plaka sa sinasabi ng mga nakasaksi, pero nakita rin ang plakang tinutukoy ng mga nakasaksi sa loob ng sasakyan. At may CCTV pa.
Positibo rin siya sa paraffin test at nakita rin ang dalawang baril na naniniwala ang PNP na ang isa ang ginamit sa pagpatay kay Mateo. Mukhang hindi rin rehistrado ang dalawang baril dahil wala sa rekords ng PNP-FEO. Mabuting tao? Hindi siya masama? Excuse me na lang.
Hindi ako magtataka kung maraming kilalang mataas at makapangyarihang tao ang negosyanteng ito, kaya ganyan kaarogante. Kaya naniniwalang malulusutan niya ang krimen. Sa rami ng ebidensiya laban sa kanya, dineklara na ng PNP na “closed case” na ito. Kaya isailalim na sa proseso ng hukuman para malaman ang kanyang magiging parusa. Bantayan na lang at baka “tulungan” ng kanyang mga kilala, kung meron.
May tanong na kailangang masagot. Paano nakabili ng dalawang baril na parehong hindi rehistrado sa PNP-FEO? Kung dating may lisensiya, bakit hindi ito binigyan ng notice kung paso na ang lisensiya? Iba rin itong taong ito. Alam na hindi rehistrado ang baril pero dala-dala pa sa sasakyan at sa kasamaang palad ay nakapatay na ng inosenteng ‘di-armadong tao. Hindi ko maisip kung ang batang kasama ng biktima ang tinamaan at napatay.