isang lalaki sa China ang nabalian ng femur, ang tinaguriang pinakamatigas na buto sa buong katawan, dahil lamang sa pag-ubo!
Inireport kamakailan sa isang medical journal sa China ang kakaibang medical case ng isang 35 years old na lalaki na nakaranas ng fractured femur mula sa matinding pag-ubo. Ayon kay Dr. Dong Zhong, head ng Department of Orthopedics ng Second People’s Hospital of Fujian Province, dumating sa kanilang ospital ang lalaking itinago sa alyas na “Mr. Ye” na dumadaing na hirap ito sa paglalakad.
Sinabi ni Mr. Ye sa kanyang doktor na bigla na lang siyang nakaramdam ng matinding pananakit sa kanyang kaliwang binti matapos siyang ubuhin. Sa una ay inakala niyang pulikat lamang ito pero nang napansin niyang nahihirapan na siyang maglakad ay nagpunta na siya sa ospital. Agad sumailalim sa X-ray si Mr. Ye at doon nakumpirma na nabalian siya ng thigh bone o femur.
Hindi na pangkaraniwan kina Dr. Zhong ang magkaroon ng pasyente na may bali sa femur. Ngunit ang ipinagtataka nila ay paano ito nabali mula sa pag-ubo. Kalimitan kasi ng mga isinusugod sa kanilang ospital na nabalian sa bahaging ito ng katawan ay na-involve sa car accident o nahulog mula sa mataas na building. Para sa kanila, imposible na sa pag-ubo lamang nagmula ang injury dahil ang femur o thigh bone ay ang longest, heaviest, and strongest human bone.
Dahil dito isinailalim ng mga doktor si Mr. Ye sa mga tests at consultation. Inalam nila ang general health, eating habits at lifestyle nito. Nagsagawa rin sila ng bone density tests at nagkaroon ng findings na marupok na ang mga buto nito at maikukumpara ang mga buto niya sa isang 80 years old.
Base sa interview ng mga doktor kay Mr. Ye, napag-alaman na bata pa lamang ito ay nakararanas na ito ng calcium deficiency. Nakalala pa sa kanyang kondisyon ang madalas na pag-inom nito ng softdrinks.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagpapagaling si Mr. Ye ng kanyang bali sa binti. Pinag-aaralan pa ng kanyang mga doktor kung anong treatment at rehabilitation ang isasagawa sa kanya kapag gumaling na ang kanyang fracture sa femur.