Chinese softshell turtle, salot sa La Union at Pampanga

MAITUTURING  na salot ngayon sa mga mangingisda at magsasaka ng San Juan, La Union ang Chinese softshell turtle o ahas-pagong. Pinipinsala nito ang karagatan at pati kabukiran.

Ayon sa DENR Biodiversity Management Bureau, invasive alien specie ang ahas-pagong na nagmula sa mainland China at Mongolia. Mabilis dumami ang mga ito dahil walang predator o kumakain sa mga ito.

Kinakain ng ahas-pagong ang mga isdang tabang, kaya lalong kumukonti ang huli ng mga mangingisda. Kumpara sa Olive Ridley turtles na nangingitlog sa mga dalampasigan ng La Union na kumakain ng mga jelly fish at nagpapanatiling balanse ang kapaligiran, peste naman ang ahas-pagong sa flora at fauna.

Ayon kay Carlos Tamayo, tagapangasiwa ng environmental conservation group Coastal Underwater Resource Management Actions (CURMA), kapag hindi naagapan ang pagdami ng ahas-pagong, nahaharap sa pagkasira ang kapaligiran ng La Union at mga karatig probinsya hanggang buong bansa na.

Sinabi pa ni Tamayo, hindi gaya ng mga lokal na pagong, malambot ang talukab ng ahas-pagong at may mahabang leeg at nguso. Delikado rin ito sapagkat nangangagat. Hindi lamang sa karagatan matatagpuan ang ahas-pagong kundi pati sa mga sakahan, ilog at sapa. 

Dumami sa bansa ang ahas-pagong dahil inaangkat ang mga ito ng mga may-ari ng restawran para gawing turtle-soup. Ang iba ay pinakakawalan hanggang dumami na at naging salot na. Ayon sa report, marami nang ahas-pagong sa Pampanga kaya problemado na rin ang mga mangingisda at magsasaka roon.

Dapat kumilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agriculture (DA). Hindi sila dapat kumilos na parang pagong sapagkat uubusin ng mga salot ang mga isdang-tabang at pati na ang flora at fauna.

* * *

Para sa reaksiyon, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments