KAPAG ang isang Pilipino at isang banyaga ay nagpakasal sa labas ng Pilipinas at pagkatapos ay nagkaroon ng diborsiyo na kinikilala sa bansang iyon upang muling makapagpakasal ang banyaga ay dapat na bigyan din ng parehas na kakayahan ang Pilipino para muling makapagpakasal alinsunod sa batas ng Pilipinas (Art. 26 Family Code).
Pero ano ba ang ebidensiya na kailangan ng asawang Pilipino para kilalanin ang diborsiyo na nakuha sa ibang bansa? Ito ang tanong na sasagutin sa kaso nina Shirley at Yoshiro.
Isang Pilipina si Shirley na kasal kay Yoshiro. Naninirahan sila sa Japan. Pero matapos ang 14 na taong pagsasama ay nagpasya ang dalawa na magdiborsyo. Ang diborsyo nila ay inaprubahan at tinanggap sa Japan. Nagsampa si Shirley ng petisyon sa RTC ng kanyang probinsiya para kilalanin din sa Pilipinas ang diborsiyong nakuha sa ibang bansa.
Sa paglilitis, isinumite ni Shirley ang mga sumusunod na dokumento: 1) acceptance certificate ng mayor sa Japan; 2) authentication mula sa Vice-Consul ng Pilipinas sa Japan; 3) kopya ng Civil Code ng Japan (English text).
Ang Republika ng Pilipinas na kinakatawan ng piskalya ay hindi tumutol sa ebidensiyang inihain at nagpahayag na hindi rin sila magsusumite ng kontra-ebidensiya. Kaya pinagbigyan ng RTC ang desisyon pero inapela naman ng OSG (Office of the Solicitor General) ang usapin at inakyat sa Court of Appeals. Mabuti na lang at kinatigan ng CA ang RTC.
Hindi pa rin sumuko ang OSG at umapela sa Supreme Court. Ayon sa OSG, hindi naman nasunod ni Shirley ang lahat ng alituntunin para kilalanin ang diborsiyo niya dito sa Pilipinas partikular ang mga batas ng Japan na dapat sundin.
Tama ba ang OSG?
Ang sabi ng SC ay medyo tama ang OSG. Dagdag paliwanag ng SC, napatunayan naman ni Shirley na totoo na nagkaroon ng diborsyo dahil sa acceptance certificate mula sa mayor ng Japan na nagpapatunay na tinanggap nito ang anunsiyo ukol sa diborsyo nina Shirley at Yushiro kasabay ng authentication galing sa Vice-Consul ng Philippine embassy sa Japan.
Kaya lang, hindi napatunayan ni Shirley ang batas ng Japan tungkol sa divorce. Nagsumite lang siya ng kopya ng Civil Code ng Japan na may English translation pero dahil hindi ito isang opisyal na dokumento ay hindi niya napagtagumpayan na ihain sa korte ang umiiral na batas ng Japan tungkol sa divorce.
Walang anumang nasa rekord na makapagpapatunay na legal ang diborsiyo na kinuha nina Shirley at Yushiro pati kung ayon ito sa batas ng Japan sa divorce.
Pero dahil napatunayan naman na tinanggap sa Japan ang katotohanan na kumuha ng diborsiyo sina Shirley at Yushiro, ang nararapat lang ay ibalik sa RTC na pinagmulan ang kaso para mabigyan ng pagkakataon na maghain ng ebidensiya tungkol sa batas ng Japan sa divorce (Republic of the Philippines vs. Asusano Kikuchi etc., G.R. No. 243646, June 22, 2022).