ETO na naman ang insidente ng road rage naging dahilan sa pagpatay kay Aniceto Mateo, 65, stay-in drayber ng isang pamilya sa Ayala Alabang. Pinangalanan ng DILG at PNP ang suspek na si Gerard Raymond Yu. Ayon sa mga nakasaksi, nagkagitgitan ang Innova na minamaneho ni Mateo at itim na Mercedes na minamaneho naman ni Yu. Hindi naman tumigil ang parehong sasakyan para magkomprontasyon. Basta na lang binaril ng suspek si Mateo. May 47 taong gulang na babae at menor de edad na pasahero si Mateo sa Innova.
Mabuti naman at agad nahuli ang mamamatay-taong si Yu. Nagtangkang linlangin pa ang mga otoridad at pinalitan ang plaka ng itim na Mercedes. Ang problem ay maraming saksi at may video pa umano ng insidente. Nakita pa ang baril na ginamit at isa pang baril, na ayon naman sa PNP Firearms and Explosives Office (FEO), walang nakarehistrong baril sa pangalan ng suspek. Kaya nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms. Baka matagal na makukulong ito. At dapat lang. Walang lugar sa lipunan ang ganyang tao. Akala ay puwede na lang gawin ang kahit ano kabilang ang pamamaril sa di armadong tao, dahil ba naka-Mercedes at hindi rehistrado ang mga baril? Kung ako ang magulang ng batang sinundo ni Mateo ay kakasuhan ko rin ng endangerment of a minor.
Mabubuhay na naman ang debate o diskusyon ng pagmamay-ari ng mga sibilyan ng baril. Sa pagkakaalam ko nga, puwede nang bumili ng mahahaba at malakas na kalibreng rifle ang sibilyan. Tila imbis na pahirapang bumili ng baril ang sibilyan ay mas pinadali pa. Sasabihin ng mga pabor sa pagmay-ari ng sibilyan ay hindi rehistrado ang mga baril ng suspek, at kapag kriminal ang pag-iisip ay walang makakapigil sa kanilang magdala o gumamit ng baril sa masasamang paraan. Tila mas maingat ang mga sumusunod sa batas dahil alam na madaling mahanap ang mga baril kung sakaling ginamit sa maling paraan.
Ang walang kalaban-laban nga naman ay ang hindi armado, tulad ni Mateo. Ang gusto kong malaman ay paano nagkaroon ng baril, dalawa pa, itong si Yu na hindi naman rehistrado. Paano nakalusot sa PNP-FEO? Ito ang dapat matukoy ng PNP, mga di rehistradong baril. Sigurado marami pa yan.